Ka Leody, nais maging ‘non-aligned’ ang Pilipinas mula sa mga bansang tulad ng US, China

Ka Leody, nais maging ‘non-aligned’ ang Pilipinas mula sa mga bansang tulad ng US, China

INILAHAD ni Presidential Aspirant Ka-Leody De Guzman sa naganap na SMNI Presidential Debates sa Okada Hotel Manila, na nais niyang gawing non-aligned o walang pormal na alyansa sa malalaki at maimpluwensyang bansa ang Pilipinas.

Aniya, dapat iwasan ang pakikipagkaisa sa malalaking kapitalistang bansa na maaari lang tayong gamitin bilang “pawn” at maipit lamang sa pagitan ng labanan ng mga ito.

“Ang aking naiisip talaga ay maging unaligned ang ating bansa sa mga malalaking kapitalistang bansa sa daigdig at tapusin ang ating military agreement sa US, ‘yung mutual defense treaty, ‘yung VFA, ‘yung EDCA, at pati ‘yung relasyon natin sa China, na dehadong-dehado tayo. Makipagkasundo lamang tayo doon sa mga bansa na gagalang sa ating mga karapatan, sa ating soberanya, sa ating territorial integrity, sa ating mga panuntunan,” ayon kay Ka-Leody.

Dagdag pa niya, dapat makipagkaisa lang ang Pilipinas sa mga bansang nagsusulong ng pagkakaisa at kapayapaan na nakasentro sa ekonomiya gaya ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya ngunit sinabi niya rin na dapat iwasan ang digmaan.

Samantala, tinanong naman ng isa sa mga debate panelist na si Prof. Clarita Carlos kung saan tutukod ang bansa gayung ang Philippine military ay ang pinakamahina sa buong Asya at sa rehiyon.

“So, ito ba ay aspiration mo lang bilang chief executive or still non-alignment, this is something will wash in international politics now?” tanong ni Prof. Carlos

Sagot ni Ka-Leody, dapat ihiwalay ang Pilipinas sa mga interes ng mga naglalakihang bansa tulad ng Tsina at Estados Unidos.

“At hindi ‘yung papanig sa America, sa China, lalo na sa usaping West Philippine Sea, ang pinakamainit na usapin sa ngayon. Magagamit lang tayo sa sinuman sa kanila, kaya dapat makipag-isa tayo sa mga bansa dito sa Southeast Asian at tayo ay magkatulungan para sa ikauunlad ng mamamayan, iwasan natin ang giyera,” saad ni Ka-Leody.

Ngunit walang binanggit na bansa si Ka-Leody nang tinanong ni Prof. Carlos kung anu-anong mga nasyon ang kaniyang tinutukoy.

“Sinong bansa kayang ating sasamahan, dahil sinabi ninyo ay sasama tayo sa mga non-alignment countries, because most of their countries have cast their lots with other like United States of America, with Russia or with PROC. So, saan tayo dyan lang ba tayo nakaupo sa bakod?” tanong ni Carlos.

“Ang gusto natin ay hindi dependent kundi isang independent foreign policy, at makipag kasundo tayo hindi tayo magpuputol, makipagkasundo tayo sa mga bansa na re-respeto doon sa ating soberenya at ating territorial integrity. Ang mas makakapit natin sa kasalukuyan lalo na sa usaping West Philippines Sea ay itong mga Asian country yan ang ating mga kakampi sa kasalukuyan at hindi, ayoko talaga pumanig kahit sino man sa kanila sa Russia, China, na nagsusulong sa kanilang personal interest at hindi sa interes ng kapayapaan at kaunlaran ng buong daigdig,” sagot ni Ka-Leody sa foreign policy expert.


Follow SMNI NEWS on Twitter