KABAG party-lists, dapat tanggalan na ng akreditasyon ng COMELEC – grupo ng mga magulang

KABAG party-lists, dapat tanggalan na ng akreditasyon ng COMELEC – grupo ng mga magulang

NGAYONG araw ay muling kinalampag ng League of Parents of the Philippines (LPP) ang Commission on Elections (COMELEC).

Ito ay para ipanawagang huwag nang pahintulutan pa na makalahok sa halalan ang KABAG party list na binubuo ng Kabataan Partylist, ACT-Teachers, Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela Partylist.

Panawagan ng grupo na tanggalan ng akreditasyon ng nasabing mga party-list na kabilang sa makakaliwang grupo.

Kaninang umaga ay nagsagawa ng kilosprotesta ang grupo sa harap ng COMELEC sa Intramuros, Maynila.

Ayon kay Ka Remy Rosadio, presidente ng grupo, marami nang ebidensiya na makapagpapatunay na konektado sa CPP-NPA-NDF ang KABAG party-lists.

Taong 2020 at 2021 nang ideklara ng Anti Terrorism Council (ATC) ang CPP-NPA-NDF na terorista.

Nababahala si Rosadio, lalo pa’t malapit na ang pasukan ng mga estudyante kung saan posibleng face-to-face na ang klase.

Aniya ang mga kabataang ito ang malimit na tinatarget ng mga makakaliwang grupo na ma-recruit.

Marami na aniyang na-recruit ang mga party-list na ito na pawang mga kabataan na sa huli ay nasira ang kinabukasan matapos malinlang ng maling ideolohiya.

At habang naririyan aniya ang mga party-list na ito ay patuloy na may banta ang kinabukasan ng mga kabataan.

Dagdag pa ni Rosadio, marami nang petisyon ang naihain sa COMELEC laban sa mga ito kaya muli silang nangalampag para aksyunan na ito ng COMELEC.

Nanawagan din ito na malinisan na ang mga unibersidad lalo na ang mga state universities mula sa mga grupong ito na nambibiktima ng mga inosenteng kabataan.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang League of Parent Philippine kay Pastor Apollo C . Quiboloy na isa sa mga nanindigan sa kampanya kontra CPP-NPA-NDF.

Umaasa naman ang grupo na sa ilalim ng darating na BBM administration ay maaksyunan na ang kanilang hiling para na rin sa kapakanan ng mga posibleng maging biktima ng mga party-list na ito.

Follow SMNI News on Twitter