KINUMPIRMA ng Department of Labor and Employment (DOLE) na wala silang kinalaman sa nangyaring kaguluhan ng pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na ginanap sa Pasig City.
Ikinalulungkot ng DOLE ang nangyaring kaguluhan ng pamamahagi ng ayuda sa Pasig City sa ilalim umano ng TUPAD Program.
Pero ayon sa DOLE wala silang kinalaman dito at ito’y ipinatutupad lamang ng Pasig City Government.
Sa isang virtual presser ng DOLE ay kinumpirma ni Director Ma. Karina Perida-Trayvilla ng Bureau of Workers with Special Concerns, na walang koordinasyon ang Pasig City LGU sa DOLE at walang kinalaman ang DOLE sa ginawang pamamahagi ng ayuda ng Pasig City noong Martes Pebrero 22.
“Precisely hindi po tayo involved doon,”sinabi ni Dir. Trayvilla.
Giit din ng opisyal hindi rin maaaring basta na lamang gagamitin ng sinumang LGU ang TUPAD Program ng DOLE.
Aniya, para sa mga proyekto ng TUPAD na magpatutupad gamit ang kanilang sariling pondo, ang mga LGU ay pinapayuhan na humingi ng awtoridad mula sa DOLE bago ang pagpatutupad nito, upang matiyak ang pagsunod sa mga alituntunin ng programa.
Binibigyang-diin namin ng opisyal na ang TUPAD ay hindi lamang isa sa mga flagship program para sa mga vulnerable at marginalized sectors, ito rin ay isang rehistradong marka ng serbisyo ng DOLE, alinsunod sa Certificate of Registration na inisyu ng intellectual property office.
Ang pagpaparehistro ay nagsisilbing paalala sa publiko na may karapatan ang DOLE na pigilan ang sinuman na gumamit ng kaparehong marka sa TUPAD.
“Sir, sa atin po hindi pinapahintulutan kasi nga po rehistrado,” dagdag pa ni Trayvilla.
Ang TUPAD ay programa ng DOLE na layong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga nawalan ng trabaho, walang trabaho at mga self-employed workers.
Matatandaan kahapon, trending ang mga kumakalat na video sa social media na nagkagulo ang mga tao sa pamamahagi ng ayuda ng Pasig City LGU gamit ang TUPAD Program.
Ayon sa mga ulat, dinagsa ng mga aplikante ng TUPAD Program ang dalawang venue kung saan ay nagkagulo-gulo sila sa pila.
Ilang beses na rin nakiusap ang mga organizer na huwag magtulakan para makaiwas sa stampede.
Ang ilan sa mga kukuha sana ng ayuda, galit na at sumisigaw habang may iba na hindi tama ang pagsusuot ng face mask.
Dahil dito humingi naman ng paumanhin si Pasig City Mayor Vico Sotto sa nangyari.
Samantala, inanunsyo ng DOLE na ang TUPAD Program ay magpapatuloy pa rin para sa mga displaced at disadvantaged workers sa informal sectors, kabilang ang mga kabataan, kahit sa buong panahon ng halalan.
Ito ay matapos pagbigyan ng Commission on Elections ang kahilingan ni Labor Secretary Silvestre Bello III para sa exemption ng limang programa ng DOLE sa mga aktibidad na ipinagbabawal sa panahon ng eleksyon.