BINIGYANG-diin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Article 3 Section 4 ng Bill of Rights sa naging pagtitipon ng Maisug Rally sa Dumaguete City, Negros Oriental nitong Martes ng gabi.
Kasunod ito ng panibagong panggigipit sa Maisug Peace Rally kung saan biglaang isinara ang Freedom Park kung saan gagawin dapat ang pagtitipon.
Ani Duterte, sagrado ang naturang batas na nagbibigay ng proteksiyon sa sambayanang Pilipino sa paglalabas ng saloobin.
Dahil dito, kinuwestiyon tuloy ng dating Pangulo ang pagsasara ng Freedom Park.
Kung maaalala, hindi ito ang unang pagkakataon na ginipit ang Maisug Peace Rally.
Noong Abril, hindi natuloy ang Maisug Rally sa Bustos, Bulacan matapos umanong bawiin ng may-ari ng lupa ang pagpapagamit nito bilang venue ng pagtitipon at paglalagay ng trailer truck at pagharang sa daan patungo sa lugar.
Maliban dito, bagama’t natuloy ang pagtitipon sa Cebu ay ilang beses din itong tinangkang pigilan.
Samantala, ipinauubaya naman ng dating Pangulo sa iba kung nais nilang magsampa ng kaso laban sa mga LGU na hindi pumapayag sa pagsasagawa ng Maisug Peace Rally.