BINIGYANG-DIIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kahalagahan ng inobasyon sa Pinoy micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa makabagong panahon.
Nagpahayag ng pagsuporta si PBBM sa isinusulong na inobasyon sa makabagong panahon para sa MSMEs.
Ito ang binigyang-diin sa mensahe ng Presidente sa isinigawang National MSME Summit 2023, nitong Hulyo 18, 2023.
Isang national summit ang nilahukan ng iba’t ibang mga Pinoy micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa isang hotel sa Maynila, araw ng Martes.
Sentro ng summit ay kung papaano pa mapalakas ang mga MSME sa bansa.
Nasa humigit-kumulang isang libong partisipante na mga negosyante, tech startups, academicians, business experts, mentors ang lumahok sa isang summit na inorganisa ng MSME Development Council na suportado ng Department of Trade and Industry (DTI) at Go Negosyo.
Tangan ang temang, “Upgrade, Upskill and Upsize MSMEs”, layon ng National MSME Summit 2023 na bigyan ng kahalagahan ang pagpapabuti sa kakayanan ng mga MSME sa kanilang kapabilidad, skills, at ang pagpapalawak sa kanilang operasyon para makasabay sa pabago-bagong business landscape.
Kinikilala ng DTI ang mga MSME bilang backbone ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sila rin ang may maraming nalilikhang trabaho, at nakatutulong para makamit ng bansa ang kabuuang paglago ng ekonomiya.
Si Pangulong Marcos sana ang magiging panauhing pandangal sa summit ngunit hindi ito nakarating at si Executive Secretary na lang ang nagbasa ng kaniyang mensahe.
Sa kaniyang mensahe ay binigyang-diin ng Pangulo ang kaniyang pagsuporta sa mga inisyatiba ng MSME Development Council hinggil sa innovation and digitalization ng mahalagang sektor na ito.
Samantala, pinarangalan naman ng pamahalaan ang mga natatanging MSME.
Ang mga MSME na ito ay nakapagtala ng mga pambihirang mga nagawa o achievements sa usaping business management at financial performance.
Inilunsad din sa summit ang Philippine E-Commerce Platform (PEP).
Ito ang kauna-unahang omnichannel platform ng pamahalaan na nilikha para matulungan na ma-promote ang mga negosyong Pinoy at lumawak ang kanilang presensiya online.
Prayoridad ng PEP ang mga produkto at negosyong Pinoy na rehistrado sa DTI at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Maaari na ring mabili ng mga konsyumer ang iba’t ibang mga locally-made products sa tulong ng PEP.
Kasabay rin nito ay nakipag-partner ang DTI sa Somago Philippines para maibenta rin ang mga produkto sa One Town, One Product Philippines (OTOP) assisted MSMEs digital world.
99% sa kabuuang mga negosyo sa bansa ay mga MSME at nasa mahigit 5.4 na milyong trabaho ang nalikha nito.