Kahalagahan ng NTF-ELCAC, inilahad ng bagong kalihim ng NSA; AITF ng gobyerno, palalakasin pa

Kahalagahan ng NTF-ELCAC, inilahad ng bagong kalihim ng NSA; AITF ng gobyerno, palalakasin pa

NILINAW ni National Security Adviser (NSA) Secretary Clarita Carlos na lalo pang palalakasin ng bagong administrasyon ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ito ay sa gitna ng kumakalat na balitang bubuwagin na ang NTF-ELCAC at hindi umano itinuturing ng bagong kalihim ang mga CPP-NPA-NDF na kalaban ng gobyerno.

Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Carlos na ang pangunahing banta sa seguridad ngayon sa bansa ay ang mga nagbabalak pabagsakin ang gobyerno ng Pilipinas kaya aniya ay pinalalakas ngayon ang NTF-ELCAC.

Binigyang-diin ni Carlos na ang itinuturing na kaaway ng pamahalaan ay ang mga grupong nagnanais na pabagsakin ang gobyerno.

Naniniwala si Carlos na dapat na ituloy at palakasin pa ang NTF-ELCAC dahil kapag kokonti na lang ang mga banta at mga naimpluwensyahang mga barangay ay magkakaroon na ng pagkakaisa ang lahat para sa pag-unlad.

Ayon pa kay Carlos, hindi masama ang paniniwala sa ideolohiya ng komunismo ngunit kapag ang layunin na ay pabagsakin ang gobyerno ay tiyak na may pananagutan na ito sa batas.

Muling binigyang-diin ni Carlos na hindi kaibigan ng estado ang CPP-NPA-NDF dahil nais nitong pabagsakin ang gobyerno.

Nilinaw rin ng kalihim na wala siyang itiniwalag na mga opisyales ng NTF-ELCAC at balak pa na ibalik ang orihinal na pondo ng Anti-Insurgency Task Force (AITF) dahil sa dami aniya ng proyekto nito lalo na ang Barangay Development Program (BDP).

Sa ngayon, plano rin ni Carlos na palalakasin ang research team ng NSA dahil ito aniya ang kailangan ng kanilang tanggapan para mabigyan ng tamang paggabay at payo ang Pangulo hinggil sa seguridad ng buong bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter