NAKIISA sa nationwide earthquake drill ngayong araw ang mga kawani ng Philippine National Police (PNP) pero higit na mahalaga dito ang partisipasyon ng publiko.
Hindi isinasantabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad na makararanas ng malalakas na mga lindol ang Pilipinas.
Kaya naman, para sa mga awtoridad, malaking bagay ang mga pagsasanay na pinangungunahan ng pamahalaan para matiyak ang kahandaan ng publiko sa mga inaasahang pagdating ng mga kalamidad gaya ng malakas na lindol.
Sa kauna-unahang pagkakataon, mula sa dalawang taong pandemiya.
Pinangunahan ng NDRRMC ang nationwide face-to-face earthquake drill na dinaluhan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, nakiisa ang mga tauhan at opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa 3rd Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.
Ang senaryo, alas-9 ng umaga nang tumunog ang sirena sa Camp Crame bilang hudyat para isagawa ang duck, cover, at hold.
Sinundan ito ng isang senaryo sa National Headquarters Building, kung saan may mga nasugatan dahil sa lindol na agad ding tinugunan ng PNP Health Service.
Sa panayam ng SMNI News kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, iginiit nito ang mahalagang partisipasyon ng mga kapulisan para alam nila ang gagawin sa ngalan ng pagsagip ng buhay tuwing may mga sakuna gaya ng pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa bansa.
“Lalong-lalo na po alam natin na ang Pilipinas ay prone po sa earthquake because ‘yung pinapangambahan nga po natin na mga fault lines. Kaya nga po itong mga pagkakataon ay sinasamantala ng PNP para makakuha, lalong-lalo na nga po na alam dapat ng bawat mga ordinaryong pulis ang kanilang magiging function in case magkaroon ng mga earthquake or iba pang klase ng kalamidad sa kanilang respective duties, ani Colonel Fajardo.”
Matapos ang matagumpay na drill, muling tiniyak ng PNP ang kanilang kahandaan na magsagip ng buhay na pangunahing turo sa kanila hindi lang bilang mga alagad.
“Yan naman ang pangunahing mandato at trabaho po ng PNP to save the lives and properties sa mga pagkakataon. Miso, katuwang po ‘yung ibang mga security forces ang nangunguna po para seguraduhin na kapag ang public po ay nahaharap sa mga kalamidad kagaya po ng earthquake ay tayo po ay unang maaasahan ng ating mga kababayan, dagdag ni Fajardo.
Umaasa ang PNP na marami ang natuto sa mga isinagawang drills na magagamit sa mga posibleng pagtama ng malalakas na bagyo, sakuna at iba pang kalamidad na hindi maikokompromiso ang buhay ng mamamayan.
Nagpaalala ang PNP na agad silang lapitan sa mga pinakamalapit nilang police station para sa agarang tugon sa anumang pagkakataon.