Kahalagahan ng pagpapalakas ng trade cooperation ng PH-China, binigyang-diin ng DTI Chief

Kahalagahan ng pagpapalakas ng trade cooperation ng PH-China, binigyang-diin ng DTI Chief

BINIGYANG-diin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kooperasyon sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at China, partikular sa investment relations.

Nabanggit ito ni DTI Secretary Fred Pascual sa China (Zhangzhou)-Philippines Economic and Trade Cooperation and Exchange Briefing nitong Hulyo 13, 2023.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Pascual na ang China ang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas.

Kasabay nito’y malugod na tinatanggap ng ahensiya ang mga Chinese enterprise na mamumuhunan sa bansa.

Aniya, magpapalakas pa ito lalo sa bilateral relationship sa pagitan ng dalawang bansa.

Inihayag pa ng trade chief na maaaring samantalahin ng naturang mga pamumuhunan ang development momentum na dulot ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) agreement kung saan signatories ang Pilipinas at China kasama ng 13 iba pang bansa sa East at Southeast Asian Region.

Ang China ang pinakamalaking pinagmumulan ng importasyon ng bansa at ang pangatlo sa pinakamalaking destinasyon sa pag-export noong 2022.

Sa katunayan, ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa China ay nag-uwi ng mga investment lead na nagkakahalaga ng USD 22.8-B.

Ibinahagi naman ng DTI secretary ang hanay ng mga sektor na magiging potensiyal na destinasyon ng pamumuhunan tulad petrochemicals, agriculture, e-commerce, logistics, medical/health industries, green industries, tourism, education, at iba pa.

Binanggit din ni Pascual ang patungkol sa paborableng business climate sa Pilipinas bunsod ng strategic geographical location nito.

Gayundin ang kamakailang ipinatupad na mga reporma na magbibigay ng mga pinasimpleng pamamaraan, magpapahusay ng transparency, at magsusulong ng investor-friendly policies.

Nitong Hulyo 13, pormal na inilunsad ng DTI ang Executive Order No. 18, na lilikha ng green lanes for strategic investments.

Ang batas na ito ay magpapahusay sa ‘ease of doing business’ sa bansa sa pamamagitan ng pagpapabilis, pag-streamline, at pag-automate ng mga proseso ng pamahalaan.

Ang nabanggit na green lanes na ito ay mahalaga upang tugunan ang mga balakid sa maraming regulatory agencies na kadalasang humahadlang sa pagsasakatuparan ng foreign direct investments sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter