MADALING araw nang naalarma ang SMNI News ng impormasyong hinarang ng mga pulis ang isa sa mga abogado ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na papunta sa Glory Mountain sa Tamayong, Davao City.
Ayaw siyang papasukin ng PNP checkpoint sa Brgy. Cawayan na katabi ng Brgy. Tamayong.
Kasabay niyan ay namataan ang tatlong PNP Patrol Car sa Purok 3 sa Brgy. Tamayong kung saan naroroon ang Prayer Mountain ng KOJC – isa sa mga apat na religious compound na ilegal na nilusob ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) at Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) noong June 10, 2024.
Mag-5:00 ng umaga nang makarating ang SMNI News sa Purok 3 sa Tamayong, pero hinarang din ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 11.
Kuwestiyonable ang pakay ng PNP checkpoint sa Purok 3 ng nasabing barangay at para bang may itinatago sa media.
‘Yun pala isa sa mga KOJC Farm na ang nilusob ng mga armadong pulis.
Maging ang kapitan at kagawad ng barangay ay pinagbawalan ng mga pulis na pumunta sa nasabing lugar para sana’y tingnan ang sitwasyon ng mga residente nila doon.
“Hindi sila nagpaalam. Ang pinto roon ngayon ay lahat na-raid. Gusto naming tingnan. Gusto naming pasukin. Pero hindi kami pinapasok nila,” ayon kay Joan Udtojan, Kagawad, Barangay Tamayong.
KOJC Farm sa Tamayong, ilegal na nilusob ng PNP; Mga KOJC missionary, pinadapa at tinutukan ng baril
Ayon sa mga KOJC missionary na nakatira sa KOJC Farm, marahas na sinalakay at binulabog sila ng mga kapulisan sa gitna ng kanilang pagtulog.
Anila, puwersahang binuksan ang kanilang mga pintuan kung saan umabot sa punto na sinira ang mga ito.
Isa-isa silang tinutukan ng de-kalibreng baril sa ulo, pinadapa sa lupa, at ang iba ay tinalian pa ang kamay.
“Bigla na lang may kumakatok sa pintuan dito. Pero hindi talaga siya ‘yung katok na normal. Ginigiba talaga nila ‘yung pintuan kasi nga nakakandado siya mayroon siyang kadena. Hindi man nila mabuksan, mayroon silang volt cutter. Pinutol nila ‘yung kadena. Biglang sinipa ng isa ‘yung pintuan tapos nanutok agad siya ng baril. Tapos sabi niya na “dapa-dapa”. Hindi man ako agad dumapa, lumuhod pa lang ako. Tinulak ako ng isa para makadapa. Tinalian agad ako. Actually, ito pa nga ‘yung tali na ginamit nila sa akin,” ayon kay Alberto Ho, Jr., KOJC Missionary.
Sa kabila ng kawalan ng search warrant, hinalughog naman ng mga armadong pulis ang mga kagamitan ng mga KOJC missionary.
Maging ang mga bagay na sagrado para sa mga misyonaryo ay hindi pinalagpas ng mga kapulisan.
“Yung mga gamit tinatapon nila. Tapos ‘yung Bible pa, kahit respeto na lang doon sa Bible. Doon na lang sana sa Bible, nirespeto na lang sana nila. Hinagis pa ng isang pulis,” ani Ho.
Ilegal na paglusob ng PNP sa KOJC Farm, nagdulot ng takot at trauma sa mga KOJC missionary
Walang kahit anumang dokumento gaya ng warrant of arrest o search warrant ang mga pulis na nagpapatunay ng legalidad ng kanilang operasyon.
Dahil sa ginawang paglusob ng mga pulis at pagtutok ng mga baril, matinding takot ang idinulot nito sa mga KOJC missionary lalo na sa mga senior citizen.
Mga bata sa KOJC Farm, nakita ang karumal-dumal na sinapit ng kanilang mga magulang sa kamay ng kapulisan
Kitang-kita naman ng mga bata ang paglusob ng mga pulis at kung papaano hinarass ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagpapadapa at pagtutok sa kanila ng mga baril.
Panggigipit ng gobyerno kay Pastor ACQ, pinalagan ng mga KOJC missionary
Ipinagtataka ngayon ng mga KOJC missionary kung bakit ginaganito ang kongregasyon gayong si Pastor Apollo C. Quiboloy naman ay mabuting tao at walang kasalanan.
Bakit anila ang mga convicted at guilty sa kasong child abuse na sina France Castro at Satur Ocampo ang hindi nila habulin at panagutin?
Matatandaan, na nitong June 10, 2024 sabay-sabay ring nilusob nang madaling araw ng mga kapulisan ang apat na religious compound ng KOJC.
Nagdulot ito ng trauma at takot sa mga KOJC missionary at nagresulta ng pagkasawi ng dalawang miyembro ng B’laan Tribe sa Kitbog.