SASAGUTIN ng Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Program ang problema sa kakulangan ng fire trucks sa bansa.
Tila malayo pa sa realidad ang BFP sa target nitong magkaroon ng modernong fire trucks ang lahat ng mga bayan sa buong bansa.
Bagamat paunti-unti namang nababawasan ang bilang nito dahil sa mga dumarating na proyekto at programa ng pamahalaan para sa kanilang ahensiya.
Hulyo 4, nasa anim na yunit ng 1,000-gallon fire trucks, ang ipinamahagi ng BFP sa ilang mga bayan ng Visayas at Mindanao kabilang rito ang mga probinsiya ng Sorsogon, Cebu, Zambianga del Norte at Misamis Oriental.
Sa taya ni BFP chief Superintendent Louie Puracan, mayroon pang isang libong bayan sa bansa ang nangangailangan ng fire truck unit na makatutulong sa kaligtasan ng mga residente nito oras na dumating ang alinmang sakuna lalo na ang sunog.
Ngayong taon, nasa 200 na fire trucks ang nakatakdang bilhin ng BFP bilang karagdagang yunit sa rehiyon pa rin ng Visayas at Mindanao.
Pero giit ni Puracan, maliit pa rin ito kumpara sa kailangang apat na libo pang fire trucks na kailangang bilhin ng ahensiya.
Sa huli, habang patuloy na naghihintay ang ahensiya sa maaari pang tulong ng pamhalaan sa kanila, walang patid ang paalala nila sa publiko na mag-ingat, makinig at sundin ang mga polisiya at pakiusap nila sa pag-iwas na magkasunog para hindi maapektuhan ang hanapbuhay at ekonomiya ng nakararami.
Sa parte naman ng BFP, may mga plano na rin sila kaugnay sa pagkukunan ng suplay ng tubig sa kanilang mga pagresponde sa mga insidente ng sunog lalo na’t paparating na ang panahon ng El Niño na tiyak na magdudulot ito ng malaking epekto sa klima ng bansa.