ISA sa mga pangunahing suliranin ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kawalan ng sapat na atensyong medikal dahil sa labis na pagtatrabaho at limitadong access sa healthcare. Bilang tugon, nais ni Pastor Apollo C. Quiboloy, isang senatorial aspirant para sa 2025 midterm elections, na bigyang prayoridad ang panukalang OFW Health Protection Act.
Ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) ay madalas na nahaharap sa mga panganib sa kalusugan dahil sa mahihirap na kondisyon ng trabaho sa ibang bansa. Sa kabila ng kanilang sakripisyo, marami ang walang access sa maayos na healthcare.
Ito ang nais tugunan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), na tumatakbo bilang senador sa darating na halalan. Ayon sa kaniya, bagama’t may mga bansang may maayos na healthcare system, marami rin ang halos walang benepisyo, lalo na para sa mga manggagawang may short-term contracts.
Dahil dito, isinusulong ni Pastor Quiboloy ang panukalang batas na tinatawag na OFW Health Protection Act. Sa ilalim nito, magiging mandato ang pagbibigay ng comprehensive health insurance coverage para sa lahat ng OFWs, kabilang na ang mga serbisyo para sa mental health.
“May preventive aspect—kasali na ang vaccination libre na, check-up regular check-up libre na ‘yan siya and meron din tayong inpatient and outpatient care for example hospitalized siya covered na din siya ng insurance na ‘yan. Pangatlo ‘pag may mental health problem kung kailangan nilang mag konsulta kasi nga very stressful na ang kanilang working environment so kasali na din, covered na din po ‘yan ng health insurance na sinasabi ni Pastor. So aside po diyan sa ating comprehensive healthcare insurance always ni emphasize ni Pastor, although may contribution po galing sa sahod ng mga OFWs may government subsidy, tutulong po talaga ang gobyerno para mas mataas pa po ang kanilang mga insurance ‘yung mga premium po nila,” saad ni Atty. Kaye Laurente, Spokesperson, Senatorial Aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy.
Layunin din ng panukala na magtayo ng mga health clinic para sa OFWs sa pangunahing deployment areas upang mas mapadali ang pag-access sa healthcare.
Isa rin sa mga pangunahing bahagi ng panukala ang pagbuo ng Telemedicine Platform, kung saan maaaring makipag-ugnayan ang mga OFW sa mga healthcare provider mula sa Pilipinas gamit ang tawag, video call, o text.
“Pangalawa po, we will establish sabi ni Pastor ng health clinics specializing for OFWs care in major deployment areas. So ito po health clinics po, kumbaga magiging accessible na ang healthcare system para sa ating mga kababayan and lastly may Telemedicine platform. Ano yung telemedicine? So pwede ng tumawag ok pwede video call pwede lang din text lalo na kung may ikukunsulta sila tungkol sa kanilang kalusugan, usually dito yung mga general consultations lang, may sakit lang hindi naman emergency or pangalawa pwede din sa mga mental health services, kailangan niya lang ng counseling so telemedicine po ang tawag diyan tawag po o video call and lastly pag follow-up care lang,” dagdag ni Atty. Laurente.
Prayoridad din ng panukalang ito ang mga manggagawang may mababang sahod upang masigurong lahat ng OFWs, anuman ang kalagayan, ay mabibigyan ng kinakailangang benepisyo sa kalusugan.
Ayon pa kay Pastor Apollo C. Quiboloy, “Ang bawat buhay ng Pilipino ay mahalaga. Karapat-dapat lamang na makaranas ng maayos na serbisyong pangkalusugan ang mga lubos na nangangailangan, kahit nasa ibang bansa man sila.”
Matatandaan na mayroon nang ipinatayo noon sa ilalim ng administrasyon ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nag-iisang OFW Hospital na matatagpuan sa Pampanga. Ito’y upang tugunan ang pangangailangang medikal ng mga manggagawang Pilipino na mula sa ibang bansa at mga pamilya nito.