Kakulangan sa pondo, dahilan sa mabagal na imbestigasyon sa NAIA glitch –CICC

Kakulangan sa pondo, dahilan sa mabagal na imbestigasyon sa NAIA glitch –CICC

NAGING kontrobersyal ang naging aberya nitong Bagong Taon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ay matapos magkaroon ng Air Traffic System glitch na naging dahilan ng pagkakaroon ng malawakang kanselasyon sa biyahe ng mga pasahero, mapa-lokal o internasyonal flight.

Kung kayat, umani ito ng samut-saring reaksyon mula sa mga opisyal ng pamahalaan at maging ang mga ordinaryong Pilipino.

Ayon naman kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Undersecretary Alexander Ramos, na ang kanilang report na ibinigay sa CAAP ay “off grid” o hindi nakakabit sa internet ang Uninterruptible Power Systems (UPS) at center upang masilip kung ito ba ay mayroong cyberattack.

“So, ang problema nila is nagblack-out ‘yung kanilang network so it has something to do with power or whatever. So, eventually ‘yun ang una naming ni-restore so nagkaroon ng power itong equipment nila at diyan namin sila tinutulungan to restore and to ensure na hindi na ulit mag-blackout, ‘yun ang primary role namin. Kaya, tinitingnan namin na mga equipment is not the network but the power source ng kanilang equipment and ngayon ang power source nila off time, off grid equipment,” saad ni Usec. Alexander Ramos – Head, CICC.

“Ibig sabihin, there is no way for you to access it remotely pero ‘yun ang mga nagbibigay kuryente sa kanilang equipment so nandiyan kami ngayon sa states na iyan kasi iyan ang critical,” aniya pa.

Dagdag ni Usec. Ramos, hindi naman inaalis ang posibilidad na ito ay cyberattack pero mangangailangan ito ng tools at equipment tulad ng remote access sa VSAT at UPS system upang matukoy.

Pero, ang problema ng CICC ay kulang sa pondo upang makabili ng high tech na equipment na magagamit para sa imbestigasyon.

Aminado si Ramos na matatagalan pa sila sa imbestigasyon ukol sa aberya sa naturang paliparan.

“May investigation, and hindi lang iyan ang process na kailangan mo hindi lang tools. You need training and you need to do like namimili ka ng equipment ng info sa dark web iyan ‘yung ginagastusan natin ay hindi naman kami binigyan. In fact, hindi lang binigyan, binawasan pa,” dagdag pa ni Ramos.

“Kaya naming mag-imbestiga pero matatagalan kasi nga wala ‘yung makabagong tools na sina-suggest namin na magkaroon,” aniya.

Upang mapabilis ang imbestigasyon, hinimok nila ang pamahalaan na ibalik ang pondo para mas mapabilis ito.

“Irelease nila ang budget namin to acquire all of these tools. Malaki-laki siyempre atleast P400 to P500 million. ‘Yun ang nawala sa aming program of expenses,” dagdag nito.

“Hindi dagdagan, sana ibalik nila ‘yung budget intended for investigation,” ani Ramos.

Pagbuo ng task force na tututok sa data system kasunod ng aberya sa NAIA, iminungkahi

Samantala, naglabas naman ng pananaw ang isang tech expert hinggil sa Air Traffic System glitch nitong Bagong Taon sa NAIA.

Sinabi ni Art Samaniego, tech editor ng Manila Bulletin na isa sa kanyang nakikitang solusyon ay ang paggawa ng task force.

Aniya, dapat na rin palakasin ng gobyerno ang cyber security sa bansa upang matutukan ang mga data system hindi lang sa gobyerno maging sa mga pribadong sektor.

Follow SMNI NEWS in Twitter