UMABOT sa kalahating bilyong pisong halaga ng tanim na marijuana at mga produkto nito ang nakumpiska sa raid ng mga otoridad sa mga kabundukan ng lalawigan ng Kalinga at Benguet.
Mula sa pinagsanib na pwersa ng PNP, PDEA, NBI, Phillippine Army at maging ang Navy, matagumpay na nilusob ng mga otoridad ang malawak na bulubundukin ng Mt. Bitullayungan, Tinglayan, Kalinga kasama ang probinsiya ng Benguet.
Gamit ang aerial asset ng Philippine Airforce, umabot sa 70 plantation site ng marijuana ang ni-raid ng mga operatiba sa naturang lalawigan.
Sa nasabing plantasyon winasak at sinunog ang mga nakumpiskang mga tanim na marijuana at iba pang produkto nito.
Sa ilalim ng Oplan Herodotus 2, ito na ang pinakamatagal na anti-illegal drugs operations ng mga otoridad sa kasaysayan ng kanilang operasyon.
“For this year, ngayon ang pinakamatagal na nagawa natin na operation. Umabot ito ng 10 days starting February 22, sir,” sinabi ni PCPT Marnie D. Abellanida, RPIO-PROCOR.
Bukod sa mga produkto, nahuli rin ng mga otoridad ang tatlong magsasaka sa ilang plantasyon at isa dito ay isang menor de edad.
“The arrested suspects are identified as Peter Bagtang, 22 years old, Langao Bagtang, 70 years old, and a minor. While we are implementing marijuana eradication in the mountainous part of Barangay Butbut, we saw the suspects gathering marijuana with their firearms hooked up in their bodies. We immediately arrested them though they attempted to escape,” wika ni PBGen. Ronald Oliver Lee, Regional Director, PNP Cordillera.
Samantala, nauna nang nakarekober ang kaparehong mga operatiba ng mahigit tatlong daang milyon pisong halaga ng marijuana sa 11 plantation sites ng Brgy. Tulgao, 12 plantation sites sa Brgy. Loccong, at 2 plantation sites sa Brgy. Butbut katumbas ng 121, 300 square meters sa kaparehong lalawigan ng Kalinga.
“We have uprooted and burned more than three hundred million worth of marijuana in a total land area of 121, 300 square meters. Our troops will further assist the other law operating troops in the campaign against illegal drugs,” saad ni BGen. Santiago I. Enginco, Brigade Commander, 503rd Infantry Brigade.
Ayon sa militar, ang nasabing halaga ng marijuana na kanilang winasak ay malaking tulong upang maiwasang mawalan ng landas ang mga kabataan sa kani-kanilang mga komunidad dulot ng masamang epekto ng iligal na droga.
“The amount of eradicated marijuana is no joke. this can destroy lives, especially of our youth. So, we will keep an eye on the area to ensure the prevention of growing marijuana in the municipality,” wika pa ni Enginco.
Sa kabilang banda, naniniwala ang PNP na malaki ang epekto ng kanilang operasyon sa pamumuhay ng mga residente sa lugar pero giit ng kapulisan, iligal ito at bawal sa batas kung kaya aniya, kailangan itong pigilan at huwag nang palaganapin pa sa tulong ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.
“Actually, after nitong operation na ito, nagka-conduct na uli tayo ng mga monitoring kung saan yung may mga plantation sites. Yung geographical characteristics kasi nitong mga lugar na ito medyo malalayo talaga. Yung mga operatiba natin, umaabot ng oras-oras bago makarating sa mga plantation sites na ito. Ang maganda kasi dito sa marijuana eradication operation nitong Oplan Herodutos 2, mayroon itong component kung saan yung mga operatiba natin simultaneously nag-conduct sila ng mga checkpoint operation dito sa mga daraanan nitong mga possible na magta-transport ng marijuana,” ayon kay Abellanida.
Sa kabilang banda, ikinalulungkot ng mga otoridad ang kalagayan ng mga residente sa nabanggit na mga lugar.
Dahil anila sa layo nito sa siyudad at sa hamon ng pampublikong transportasyon, napipilitan ang mga ito na kumapit sa iligal na gawain.
“Maaaring isa ito, pero hindi ito yung totality ng pinagkukuhaan ng kanilang income, may mangilan-ilan siguro na miyembro ng community na dito umaasa,” dagdag pa ni Abellanida.