MAKARARANAS ng kalat-kalat na pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon dahil sa low pressure area (na dating Bagyong Auring) ngayong araw ng Martes ayon sa weather bureau.
Ayon sa huling ulat ng PAGASA, makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang Metro Manila, Cordillera, Mimaropa, Central Luzon, Calabarzon regions, at mga probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Camarines Norte.
Huling namataan ang LPA sa 105 kilometro sa silangan ng Infanta, Quezon.
Makararanas naman ng isolated light rain ang Ilocos Region at ang natitirang bahagi ng Cagayan Valley dahil sa hanging Amihan na nakakaapekto sa Hilagang Luzon.
Sa mga natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng isolated rain showers na dulot ng localized thunderstorms.