MULING pinagtibay ng 5th Infantry Division (ID) at ng lokal na pamahalaan ng San Mariano, Isabela ang pagiging malaya o insurgency free na munisipalidad mula sa kontrol at paghihimasok ng CPP-NPA-NDF.
Kung matatandaan, sa bisa ng Resolution # 048-2023 na naipasa noong Abril 12, 2023, nauna nang idineklara ang bayan ng San Mariano bilang insurgency-free municipality.
Makalipas ang halos isang taon, napatunayan na wala nang galamay at impluwensiya ng mga Communist Terrorist Groups (CTG) at tuluy-tuloy ang pagsigla ng naturang bayan tungo sa mas maayos at payapang pamayanan.
Ang nabanggit na programa ay personal na dinaluhan ng iba’t ibang opisyal mula sa unit ng kasundaluhan, kapulisan, at ng lokal na pamahalaan.
Samantala, nanawagan naman ang deputy commander ng 502nd Infantry Brigade na si Col. Davice Christopher Mercado sa mga mamamayan ng San Mariano na huwag hahayaang makabalik ang komunistang grupo sa kanilang lugar.