PINASALAMATAN ni Vice President Sara Duterte ang anim na Muslim tribe ng Davao City na kamakailan ay nagpahayag ng suporta sa kaniya.
Kabilang dito ang mga tribo ng Iranun, Kagan, Maguindano, Maranao, Sama, at Tausug.
Ngunit ani VP Sara, sa ngayon ay hindi mahalaga ang kaniyang seguridad kundi ang kaligtasan ng Pilipinas.
“Ngunit sa puntong ito, sadyang hindi ang aking seguridad ang mahalaga, kundi ang kaligtasan ng ating bansa,” saad ni Vice President Sara Duterte.
Pilipinas, pinamumunuan ng mga taong walang katapatan sa trabahong kanilang sinumpaan—VP Sara
Sa kaniyang written message, pinuna ng Pangalawang Pangulo ang administrasyon at iginiit na dapat malasakit ang ipairal sa mga Pilipino.
Kinuwestiyon naman ni VP Sara ang katapatan ng mga nakaupo sa administrasyon na nagdulot ng takot sa mga Pilipino para sa kinabukasan ng kabataan.
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay pinamumunuan ng mga taong walang katapatan sa trabahong sinumpaan. Kaya ang tanging nananaig sa atin ay takot para sa kinabukasan ng ating mga anak,” ani VP Sara.
Mga problemang kinakaharap ng bansa na napapabayaan ng administrasyong Marcos, iniisa-isa ni VP Sara
Pinuna rin ng Bise-Presidente ang paghahanda ng Marcos Jr. government sa panahon ng kalamidad.
Lalo pa’t sablay ito sa pagtugon sa problema sa baha nang ulanin ang Metro Manila’t karatig lugar dahil sa hanging Habagat na pinalakas ng Bagyong Carina.
Binanatan din ng Pangalawang Pangulo ang pag-amin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang flood-control master plan ang Marcos Jr. government.
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay may gobyernong umaamin na wala man lang tayong flood-control master plan,” saad ni VP Sara.
Samantala, hindi rin pinalusot ng Bise Presidente ang fund transfer ng PhilHealth papunta sa National Treasury na nagkakahalaga ng P89.9-B.
Nakikita ng Pangalawang Pangulo ang paghihirap ng taumbayan sa maka-access sa health care programs ng pamahalaan matapos bawasan ang pondo ng PhilHealth.
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay may PhilHealth na imbes paigtingin ay kukunan pa ng pondo upang magamit sa mga bagay na walang kinalaman sa kalusugan ng tao,” dagdag pa ni VP Duterte.
Ang mga representante sa Kamara naman aniya ay dapat nakakaintindi sa totoong sanhi ng kakulangan sa police to population ratio.
Aniya, dapat naiintindihan ng mga mambabatas na para tugunan ang kakulangan ng mga pulis ay kinakailangan ng makabagong teknolohiya.
Pinuna ni VP Sara ang pagsawsaw ng mga mambabatas sa isyu ng iba imbes na magpasa ng makabagong batas.
“The country should have representatives who understand that, in order to fully address the shortage, there is a need to leverage available technology and leapfrog into the future where policemen are armed with the best security products that do not require their physical presence all the time. Subalit ang Pilipinas ngayon ay may representante na imbes na magpasa ng makabagong batas, ay nagpupumilit sumasawsaw sa isyu ng iba,” giit ng Pangalawang Pangulo.
Pinuna rin ni VP Duterte ang airport officials na imbes magsumikap na magkaroon ng world class facility at pahalagahan ang seguridad at privacy ng mga pasahero lalong-lalo na ang mga kabataan ay sila pa ngayon ang walang imik sa ganitong issue.
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay may mga opisyal ng paliparan na tikom-bibig ukol sa banta ng seguridad, at hindi man lang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon tuwing may banta tulad ng pagpapasapubliko ng video footage, flight details at iba pang maseselang impormasyon ng mga pasahero, kahit pa ng mga menor de edad,” dagdag pa ni VP Duterte.
Matatandaan na nagkaroon ng media leak ang pag-alis ni VP Sara papuntang Germany.
Nakuhanan siya ng CCTV footage pati na ang kaniyang mga anak.
Bilang isang malayang bansa naman, ipinunto ni VP Sara na dapat ang Pilipinas ay tumindig laban sa panghihimasok ng mga dayuhan sa internal affairs ng gobyerno.
Pero sa halip na manindigan, ay yumuyuko at sumusunod na lamang ang administrasyong Marcos sa kumpas ng mga dayuhan lalo na sa isyu ng International Criminal Court (ICC).
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay dali-daling yuyuko at susunod na lamang sa anumang kagustuhan at pangingialam ng mga banyaga tulad nalang ng ICC,” dagdag pa nito.
Paliwanag din ng Pangalawang Pangulo na dapat nangunguna ang Pilipinas sa mga karatig bansa dahil sa sipag at galing ng mga Pilipino.
Pero dahil sa mga mapanlinlang na mga tao para maupo sa puwesto, ay patuloy na nagugutom, naghihirap, at lumulubog ang bansa.
“Subalit ang Pilipinas ngayon ay patuloy na nagugutom, naghihirap, at lumulubog nang dahil sa mga mapanlinlang para maupo sa puwesto,” saad ni VP Sara.
Sa huli, binigyang-diin ni VP Duterte na pagod na pagod na ang mga Pilipino na makita ang bansa na napag-iiwanan, tinatrato na parang walang halaga, hindi kaaya-aya, at sunud-sunuran sa ibang lahi.
Aniya, deserve ng mga Pilipino ang isang matinong gobyerno- bagay na hindi ramdam ng nakararami sa kasalukuyang administrasyon.
“We, Filipinos, deserve more than what we are hearing and seeing from the government right now. We, Filipinos, deserve better. We, Filipinos, should be the best,” ani VP Sara Duterte.
Taumbayan, nagsisimula nang mag-alsa vs. administrasyong Marcos—Atty. Salvador Panelo
Para sa dating chief presidential legal counsel ng administrasyong Duterte na si Atty. Salvador Panelo na ang sinasabi ni Vice President Duterte ay ‘yun din ang hinaing ng taumbayan.
Kaya ani Panelo, kinakailangan nang magising ng administrasyon ni Marcos Jr.
“Sa madaling sabi, kailangan ang administrasyon, dahil ang Pangalawang Pangulo na ang nagva-validate sa sinasabi ng mga ating mga kababayan at ang mga kababayan din natin ang nagva-validate sa sinasabi ng bise presidente. aba’y kailangan po magising na kayo, sapagkat hindi na ordinaryo ang nakikita at naririnig ng taumbayan,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Presidential Legal Counsel.
Dagdag pa ng abogado na kinakailangan nang makinig, tugunan ang hinaing ng taumbayan, at kumilos ang kasalukuyang administrasyon.
Dahil aniya simula na ito ng pag-aalsa ng mga Pilipino.