PAIIGTINGIN pa ng Social Security System (SSS) ngayong 2023 ang paghahatid ng iba’t ibang programa para sa mga ordinaryong Pilipino.
Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga ahensya ng pamahalaan na ilapit sa mga Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno.
5 taon nang nagtatrabaho bilang utility sa Brgy. General Tiburcio de Leon sa lungsod ng Valenzuela si Tatay Fernando.
Tuwing nagkakaproblema lalo na sa kalusugan, wala itong mapagkukuhanan agad ng tulong gaya ng mga loan.
Napakahirap aniya na humanap ng pera na tuwing nagkakaroon ng emergency sa kanilang pamilya lalo sa panahon ng sakuna.
Samantala, isang memorandum of agreement (MOA) ang nilagdaan ng Social Security System (SSS) at Barangay General Tiburcio de Leon Council para sa “KaltaSSS Collection Program”.
Taong 2013 pa nang inilunsad ng ahensya ang naturang programa pero ngayong 2023 nais itong paigtingin pa ng SSS.
Layunin ng KaltaSSS Collection Program na mabigyan ng social security protection ang mga self-employed na mga indibidwal at ibang kwalipikadong manggagawang Pilipino.
Mainam din ito sa mga barangay health worker, barangay tanod, office staff, utility, street sweeper at iba pa na hindi miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS).
Nilinaw naman ni Fernando Nicolas, Vice President for NCR North Division ng SSS na ito ay boluntaryo lamang at nasa P570 ang pinakamababang kontribusyon na maaaring ihulog ng mga contractual at job order personnel sa SSS.
Maaaring ma-avail ng mga miyembro ng SSS ang iba’t ibang benepisyo gaya ng sickness benefit, maternity benefit, disability benefit, funeral benefit, death benefit at retirement benefit.
Mayroon ding pautang gaya ng salary loan, calamity loan, emergency loan at education loan.
Iba pa rito ang 2 programa ng SSS na provident fund tulad ng Workers Investment Savings Program (WISP) at WISP Plus.
Kaya ang ilan excited na maging miyembro ng SSS dahil habang tumatanda ay mayroon itong makukuhang pension mula sa SSS na makatutulong sa pang-araw-araw.
Sinabi pa ng SSS, hindi dapat ipanghinayang ang pera na ihuhulog ng mga nais maging miyembro ng SSS.
Sa datos ng SSS as of January 15, 2023, umabot na sa 315 na mga lokal na pamahalaan sa bansa ang naging katuwang ng ahensya para sa “KaltaSSS Collection Program”.
Habang nakapagtala na ng 32, 224 na mga Pilipino ang naging miyembro ng naturang programa.