Kamara, bumuo ng Ad Hoc Committee na tatalakay sa fuel crisis

Kamara, bumuo ng Ad Hoc Committee na tatalakay sa fuel crisis

BUMUO ang Kamara ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee na binubuo ng chairperson ng apat na komite sa Kamara sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa bansang Ukraine.

Kabilang sa mga tatalakayin ng naturang Ad Hoc Committee ang epekto ng fuel crisis sa pagtaas ng presyo sa inflation, sa kalakalan, agrikultura, sa supply at demand at maging sa sektor ng transportasyon.

Makakasama sa Ad Hoc Committee sina Rep. Sharon Garin ng Economic Affairs, Rep. Joey Salceda ng Ways and Means, Rep. Juan Miguel Arroyo ng Energy at Rep. Edgar Mary Sarmiento ng Transportation Committee.

Tiniyak naman ni House Speaker Lord Allan Velasco na titingnan ng Kamara ang lahat ng posibleng paraan para mapababa ang presyo ng langis o ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Velasco, kabilang sa kanilang tinitingnan ngayon ang pagsususpinde o pagbabawas sa excise tax ng gasolina.

Samantala, nagpasalamat naman si Velasco sa hakbang ng gobyerno na magbigay ng fuel subsidy sa mga apektadong sektor.

Tinatayang nasa P2.4-B  ang inilaan ng gobyerno sa naturang subsidy program kung saan makakabenepisyo dito ang mga kwalipikadong miyembro ng pampublikong transportasyon.

Una na ring inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na maglalaan din ito ng P500-M para naman sa fuel subsidy ng mga magsasaka at mangingisda.

Sa ngayon, sinabi ni Velasco na anumang oras ay nakahanda ang Kamara sakaling nais magpatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng special session para ipasa ang suspensyon o pagbabawas sa excise tax sa mga produktong petrolyo.

Follow SMNI News on Twitter