KINONDENA ng isang dating Chief PNP ang pagpapakulong ng Kamara kay dating Mandaluyong Police Chief Hector Grijaldo.
‘Sumusobra na siya, this is I believe his 4th time to skip the Quad Comm, pero sa senate wala naman siyang rotator cough syndrome,’ ayon kay Rep. Amparo Maria Zamora Taguig 2nd District.
Yan ang paghahanap ng mga kongresista kay dating Manduluyong City Police Chief Hector Grijaldo para padaluhin sa pagdinig ng House Quad-Comm investigation sa isyu ng extrajudicial killings at POGO.
At nang wala sa hearing noong December 12, ipina-contempt at pinagtawanan ng mga Congressman si Col. Grijaldo.
‘’I move to cite Col. Hector Grijaldo in contempt.’ (Barbers: I was waiting for Congressman Paduano to do that but, anyway there’s a motion to cite Col. Hector Grijaldo in contempt for failing to attend the committee of the quadcom for the 4th time),’’ ani Zamora.
Ito ang kasalukuyang lagay ni Col. Grijaldo na bagong opera sa kaniyang balikat.
Sa larawang ibinahagi ni former PNP Chief ngayo’y Senator Ronald dela Rosa, kapansin-pansin ang medical condition ng aktibong police official.
Saad ni Dela Rosa, nakiusap si Col. Grijaldo na dalhin siya ng Quad Comm sa isang government facility dahil sa kaniyang medical condition.
Pero, hindi natinag ang Kamara at ipina-aresto pa rin si Grijaldo.
‘’Ang ginawa ay talagang pinaparanas sa kaniya yung gaano ka ruthless ang House of Representatives. Ikinulong siya doon sa kulungan kay Atty. Zulieka Lopez,’’ ayon kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa Former Chief PNP.
Si Grijaldo ay una nang inakusahan ng cover-up sa kaso ng ambush slay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga sa Mandaluyong City noong Hulyo 2020 na ang itinurong mastermind ay si dating PCSO Manager Col. Royina Garma.
Inakusahan naman ni Grijaldo ang Quad Comm ng pamumuwersa sa kanya sa naging pagharap niya sa Senado para kumpirmahin ang testimonya ni Garma na nagtuturo kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng pagkamatay ng maraming pinaghihinalaang drug personalities sa madugong drug war.
Pinasusuportahan rin kay Grijaldo ang testimonya ni Garma kaugnay ng umiiral na reward system sa mga opisyal at miyembro ng pulisya na makakapatay ng drug suspect.
Ayon naman kay Senator dela Rosa, malinaw na ginagantihan ng Quad Comm ang police official dahil sa pag-amin nito.
‘’Gusto lang talaga nilang mag-power tripping ba. Na ikaw gumawa ka ng nakakasama sa amin kaya kailangan magdusa ka, ikulong ka namin dito hindi muna dinala sa ospital so sobra,’’ saad ni Dela Rosa.
Nagtatanong naman ngayon ang senador sa kaniyang mga kabaro noon sa PNP bilang dati nilang Chief kung akma ba ang trato ng quad comm kay Col. Grijaldo?
“Kung ako ang Chief PNP, I will never, never allow any of my men to experience this kind of maltreatment, this kind of injustice na ginagawa nila ngayon sa isang Police Colonel. Paano na lang ang ordinaryong tao kung police itong police colonel, binababoy nila paano nalang itong ordinaryong tao?’ ani Dela Rosa.
Mananatili naman sa detention facility sa Kamara si Grijaldo hangga’t hindi tinatapos ng Quad Comm ang kanilang mga pagdinig kaugnay sa EJK.