Kamara, target aprubahan ang 2024 budget sa loob ng 5 linggo

Kamara, target aprubahan ang 2024 budget sa loob ng 5 linggo

BINIGYAN ni Speaker Martin Romualdez ng limang linggo ang Kamara de Representantes upang himayin at aprubahan ang panukalang P5.768-T national budget para sa 2024.

Kasabay nito ay tiniyak ng liderato na magiging bukas ang isasagawang deliberasyon at pakikinggan ang boses ng minorya sa Kapulungan.

Sa kaniyang mensahe sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing, binigyang-diin ni Romualdez na sisiguruhin ng Kamara na bawat sentimo ng panukalang P5.768-T budget ay gagastusin nang tama.

Tiwala rin ang lider ng Kamara na matatapos sa oras ang pambansang pondo lalo at maaga ito ng 20 araw sa deadline na itinakda ng Konstitusyon.

“Sisiguruhin natin na maipapasa natin ang 2024 General Appropriations Bill sa loob ng limang linggo lamang. Apat na linggo sa mga komite, at isang linggo sa plenaryo,” sabi ni Romualdez.

Hinikayat naman ni Romualdez ang kaniyang mga kapwa mambabatas na maging aktibo at makibahagi sa limang linggong pagtalakay sa budget.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble