Kamara, tiniyak na maipapasa ang 2024 budget bill sa susunod na linggo

Kamara, tiniyak na maipapasa ang 2024 budget bill sa susunod na linggo

TINIYAK ni Speaker Martin Romualdez na maaaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P5.768-T pambansang pondo para sa susunod na taon bago magsara ang sesyon sa susunod na linggo.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag kasunod ng paglabas ng sertipikasyon mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. upang hilingin sa Kongreso na agarang ipasa ang panukalang budget.

Ipinunto ng lider ng Kamara na ang sertipikasyon ay patunay ng pagkilala ni Pangulong Marcos sa pangangailangan na maipagpatuloy ang mga programa at serbisyo hatid ng pamahalaan.

Ang sertipikasyon ng House Bill No. 8980 o ang 2024 General Appropriations Bill (GAB), ayon kay Speaker Romualdez ay pagtupad ni Pangulong Marcos sa pangako nitong maagap at epektibong paglilingkod sa mga Pilipino.

“We appreciate President Marcos’ leadership and his prioritization of the national budget. His decision to certify this crucial legislation as urgent reflects his unwavering commitment to the welfare and progress of our nation,” ayon sa lider ng Kamara na may 311 miyembro.

Ang sertipikasyon ay magbibigay ng pagkakataon sa Kamara na aprubahan ang panukalang pondo sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw.

Matapos ang pagpasa sa Kamara ay agad itong ipadadala sa Senado.

Walang sesyon ang Kongreso mula Setyembre 30 hanggang Nobyembre 5.

Inaasahan na malalagdaan ng Pangulo ang 2024 national budget sa Disyembre, na isang mahalagang hakbang upang magamit ng naaayon sa plano ang panukalang pondo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

 

Follow SMNI News on Rumble