GUMAGANA pa rin ang kamay na bakal sa Pambansang Pulisya ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Nagsalita na si PNP Chief Police Acorda Jr., kaugnay sa sunud-sunod na insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis nitong mga nakaraang linggo lamang, nagsilbing kontrobersiyal dito ang pagkamatay ng isang binatilyo na si Jimboy Baltazar matapos na mapagkamalang suspek ng mga pulis sa Navotas City.
Dahil dito, agad na sinibak sa puwesto ang anim na pulis na sangkot sa operasyon hanggang sa nadamay ang buong yunit nito at umabot pa sa pagkakasibak sa mismong hepe ng Navotas City Police Station.
Giit ngayon ng liderato ng PNP, hindi siya nagkulang sa pagpapaalala sa mga dapat na gawin at sundin ng kaniyang mga tauhan.
Samakatuwid, walang ibang dapat na sisihin sa mga kahalintulad na kaso kundi ang mga pinuno ng mga operatibang ito.
“The same elbow room that I’m giving also to the commanders… They will be answerable for it,” pahayag ni PGen. Benjamin Acorda Jr. Chief, PNP.
Giit ni General Acorda, walang puwang sa kaniyang administrasyon ang pagkakamali ng mga pulis kundi kahaharapin ng mga ito ang kaniyang kamay na bakal.
Ani Acorda, malambot man siya sa pananalita pero hindi maaaring magkamali ang datos nila na mas bumaba ang bilang ng mga pulis na nasasangkot sa ilegal na gawain kumpara noong nakaraang taon.
Bunga aniya ito ng istriktong pagpapatupad ng internal disciplinary mechanism sa PNP.
“For the PNP leadership,….we are not hesistant,..malamya man tayo magsalita,” dagdag ni Acorda.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP, mula Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon ay nakapagtala sila ng mahigit sa isanglibong pulis na naparusahan kumpara sa mahigit na 2 libong kaso ng mga tauhan nito na sangkot sa ilegal na gawain noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Katumbas nito ang mahigit sa otsenta porsiyentong pagbaba ng bilang ng mga pulis na masasama kaysa sa mga matitino.
Chief PNP Cup 2023, opisyal nang nagsimula
Samantala, pinangunahan mismo ni PNP chief General Acorda ang Chief PNP Cup Shoot fest sa Marikina City.
Tatagal ng apat na araw ang shooting competition na may 490 gun enthusiasts mula sa 55 yunit at tanggapan ng Pambansang Pulisya.
Iginiit ni General Acorda na ang shooting competition ay bahagi ng pangako ng pulisya na itaguyod ang firearm proficiency at disiplina sa kanilang organisasyon lalo na sa mga kinakaharap nitong hamon sa kanilang hanay.