NAGAWA ng administrasyong Duterte na himukin ang publiko na makipagtulungan sa programa laban sa iligal na droga na hindi aniya nagawa ng mga nakaraang pamahalaan.
Ayon kay Dangerous Drugs Board (DDB) Secretary Catalino Cuy, malayo sa mga nakalipas na administrasyon ang kampanya ngayon ng laban sa iligal na droga kung saan tila walang partisipasyon noon ang publiko sa malaking problema ng bansa.
Matatandaang sa unang tatlong taon ng Pangulong Duterte, nagulat ang lahat sa napakaraming Pilipino na apektado ng iligal na droga mula sa paggamit, pagtutulak at malawakang distribusyon nito sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mula Hulyo 1, 2016 hanggang Abril 30, 2021, umabot sa 3,684 na edad apat hanggang 17 taong gulang ang naitalang apektado at naisalba ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Pinakamarami dito ang batang pusher na may 2, 134 na bilang.
Sa ilalim din ng administrasyong Duterte, napag-alaman ang pagkakasangkot ng ilang government workers, at pinakamarami dito ay mga government employees, sinundan ng ilang elected officials at maging sa uniformed personnel na inaresto sa isinagawang anti-drug operations ng pamahalaan.
Mula sa mahigit na 40,000 barangay sa bansa, higit sa kalahating porsyento nito ang idineklarang drug cleared barangays habang nasa mahigit 30% pa dito ang kasalukuyang nasa obserbasyon ng PDEA.
Nauna nang inamin ni PDEA Director General Wilkins Villanueva na naapektuhan ang operasyon ng kanilang ahensya dahil sa pagtama ng COVID-19 sa bansa.
Pero sa kabila nito, tuloy pa rin ang operasyon ng PDEA sa ilalim ng mandato ni Pangulong Duterte na sawatahin ang problema ng iligal na droga sa bansa.
Sa kabuuan, isang taon bago magtapos ang Duterte administration, umabot na sa P59.14 billion na halaga ng iligal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa mga anti-drug operations ng bansa.
Pinakamalaking nakuha dito ang shabu na may kabuuang halaga na P48 billion o katumbas ng mahigit sa pitong libong kilo, sinundan ng cocaine, ecstasy, at marijuana.
Aminado rin ang kalihim na isa ito sa mga sekreto ng Duterte Administration kung bakit nanalo sa eleksyon si Pangulong Duterte dahil sa nakitang sinseridad nito na sugpuin ang totoong problema ng bansa.
Sa katunayan aniya, sa pinakabagong survey na ginawa ng kanyang ahensya, mataas ang datos o bilang ng mga Pilipinong may alam sa laban ng pamahalaan kontra droga habang mahigit 80% mula sa 9,000 respondents nito ay suportado ang drug war campaign ng administrasyon.
Ayon sa DDB, mula nang pagpasok ng Duterte administration, nagkaroon ng malawak na pagtanggap sa mga lokal na pamahalaan ng bansa kaugnay sa responsibilidad nito sa kani-kanilang nasasakupan na makatulong upang agad ring masugpo ang problema ng iligal na droga sa bansa.