AABOT na sa 319 na barangay sa Visayas Region ang maituturing ng militar na insurgency free.
Ito ang inihayag ni Maj. Israel Galorio, Information Office Chief ng Visayas Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon sa opisyal, ang naturang bilang ng mga barangay ay hindi na napupuntahan ng mga rebeldeng NPA.
Sinabi rin ni Maj. Galorio na lalong humina ang hanay ng NPA sa lugar kasunod ng pagpanaw ng kanilang lider na si Joma Sison at ang pag-surender ng mga local leaders ng komunistang teroristang kilusan.
Dagdag pa ng opisyal, noong 2022 ay umabot sa mahigit 400 na mga local leaders mula sa rebeldeng grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan.
Maliban dito, malaking tulong din aniya ang NTF-ELCAC sa pagsugpo sa teroristang grupong CPP-NPA-NDF dahil sa pamamagitan aniya nito ay naipaaabot ang tulong at programa ng pamahalaan sa mga liblib na lugar.
Samantala sa unang linggo ng 2023 ay maraming accomplishments agad ang nakuha ng tropa ng militar sa Visayas.
5 rebeldeng NPA ang agad nilang na-neutralize at nakuhang mga armas ng kilusan sa magkakahiwalay na operasyon ng militar sa Negros Oriental, Negros Occidental at Leyte.
2 sa mga na-neutralize ay nasawi sa engkwentro habang ang natitirang 3 ay hawak ngayon ng awtoridad matapos mahuli.
Patuloy naman ang panawagan ng AFP sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo na magbalik-loob na sa gobyerno at mag bagong buhay.