KASUNOD ng matagumpay na 2022 national election, umaasa ang bayan ng Gamu, Isabela na mapananatili nito ang mapayapang pagdaraos sa paparating na midterm election 2025 partikular na sa kanilang lugar.
Sa panayam ng SMNI kay Gamu Vice Mayor Mitzi Cumicad, malaking bagay aniya ang pakikiisa ng kanilang mga nasasakupan para makamit ang inaasam na ligtas na halalan.
Isa sa mga nananatiling hamon sa bayan ang nagpapatuloy na laban kontra loose firearms o mga ilegal na armas.
Kaya naman kahit sa maliit na paraan ay umaasa ang bayan ng Gamu na mahimok ang mga residente nito lalo na sa mga gun holders na maging reponsable sa paggamit at pagmamay-ari ng armas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng skills training at mga patimpalak gaya ng shootfest.
Dahil kagaya niya na isa ring gun enthusiast, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa paghawak at pagmamay-ari ng baril na hindi ito magagamit sa anumang karahasan o krimen.
Kuwento pa nila, talamak ang problema ng mga ilegal na armas sa kanilang lugar ngunit sa paglipas ng panahon unti-unti rin itong nawawala.
Kadalasan anila kapag ang isang tao limitado sa pananaw sa paghawak ng baril, naikokompromiso rito ang mismong buhay ng isang tao.
Para naman sa nalalapit na halalan, ipinunto ng bise alkalde ang kahalagahan ng malaya at matalinong pagboto sa isang tunay na lider na mag-aangat ng pamumuhay ng mga residente ng Gamu.