Kampo ni Bongbong Marcos, nilinaw na hindi ito lumabag sa quarantine protocols

NILINAW ng kampo ni presidential aspirant at dating Senador Bongbong Marcos Jr. na hindi ito lumabag sa quarantine protocols.

Ito’y matapos ang usap-usapan sa social media Twitter ang post ng batikang direktor na si Paul Soriano kung saan makikitang kasama niya sa mga litrato si Bongbong Marcos Jr. para sa video shoot ng isang campaign material.

Nakalagay sa clapperboard ang petsang January 8- isang araw matapos hindi sumipot si BBM sa Commission on Elections (COMELEC) hearing para sa kanyang disqualification cases.

Noong Enero 7, hindi nakadalo si BBM sa COMELEC hearing dahil kailangan niyang mag-quarantine matapos makaranas ng sintomas ng COVID-19 at ma-expose sa ilang staff na may virus.

Kaya tanong ngayon ng netizens, bakit kasama ni Soriano si BBM noong Enero 8 na dapat ay nakasalang ito sa quarantine?

Ngunit paliwanag ng kampo ni Marcos, tama na nasa Davao si Soriano noong Enero 8 pero hindi niya kasama ang presidential aspirant kaya hindi ito lumabag sa quarantine protocols.

Sa hiwalay na tweet, sinuportahan ni Soriano ang paliwanag ng kampo ni Marcos at iginiit na nasa Barangay Kapatagan sila sa Davao para sa taping ng commercial ng UniTeam.

“January 8, I flew to Davao with my team as I mentioned in my twitter post yesterday to shoot the Davao portion in Barangay Kapatagan in Mt. Apo. So yan, I shot all the vignettes na kasama lahat ng mga talents. Wala pa dito si BBM and Sara. They were never with me from January 4 to January 8. I was just basically on standby after my shoot on Davao and waiting for confirmation from Atty. Vic when the studio shoot will happen with BBM and Sara,”ayon kay Paul Soriano Director for BBM-Sara UniTeam.

Sa isang panayam, naunang kinumpirma ni BBM sa SMNI News na Enero 12 natapos ang kanyang quarantine kaya hindi ito nakadalo sa COMELEC hearing.

SMNI NEWS