Kampo ni Bongbong Marcos, tutol sa isang mapanirang talastasan

Kampo ni Bongbong Marcos, tutol sa isang mapanirang talastasan

PAINIT nang painit ang eksena sa presidential election matapos hinamon ngayong araw ni VP Leni Robredo ng debate ang presidential frontrunner na si Bongbong Marcos.

Ipinunto ni Robredo na si Marcos ang tanging kandidato sa pagkapangulo na hindi lumahok sa isang debate na dinaluhan ng lahat ng iba pang mga kandidato.

“Sa puntong ito, isang kandidato na lang ang hindi pa humaharap sa taumbayan sa isang debate kasama ang lahat ng ibang kandidato. Mahalaga sana ito para masuri kami ng publiko, at para marinig nila at mapagkumpara ang vision at pagkatao namin,” pahayag  ni VP Leni Robredo.

Sa kanyang hamon, sinabi ni Robredo na handa siyang makipagdebate kay Marcos kahit saan at kahit anong oras masagot lang ni BBM ang mga kontrobersyang bumabalot sa kanya.

“We owe it to the people and to our country. Kung papayag po kayo, anytime, anywhere, darating ako,” ayon kay Robredo.

Pero sagot ng tagapagsalita ni BBM, hindi nila ito pauunlakan.

Ani Atty. Vic Rodriguez, magkaiba ng paniniwala ang kanilang kampo hinggil sa pamamaraan ng pakikipagtalastasan sa mamamayan.

“Positibong pangangampanya at walang paninira ang gabay ng UniTeam ni Bongbong Marcos. At derecho sa taumbayan ang mga mensahe nito at ang panawagan ng pagkakaisa. Pawang mga negatibo, panlilinlang at paninira naman ang sa kampo ng dilawan,” pahayag ni Atty. Rodriguez.

Matatandaan na dumalo si BBM sa issue based na SMNI Presidential Debate kung saan umiwas si Robredo.

Idiniin din ni Rodriguez na sa panahon ng krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya ay malaking ginhawa para sa mga naghihirap na mamamayan ang makitang kalmado na nangangampanya at hindi nag-aaway at nagsisiraan ang mga taong naghahangad na mamuno sa bansa.

 James Jimenez pansamantalang pinagpapahinga sa COMELEC

Upang matiyak na walang kinikilingan ang imbestigasyon sa kontrobersyal na “PiliPinas Debates 2022”, inirekomenda ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rey Bulay na ang tagapagsalita ng poll body na si James Jimenez at Direktor Frances Arabe ay pansamantalang tanggalin sa anumang tungkulin na may kinalaman sa media.

“In the interest of the service, Commissioner Bulay recommended that Directors James Jimenez and Frances Arabe be temporarily relieved from any functions involving media relations and exposure,” pahayag ni Bulay.

Si Bulay ay ang nangunguna sa task force na nag-imbestiga sa isyu sa COMELEC debates.

Ginawa niya ang rekomendasyon kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan.

Gayunpaman, pwede pa ring ipagpatuloy ng dalawang direktor ang iba pang tungkulin sa ilalim ng pangangasiwa ng kanilang mga pinuno ng komite para hindi maapektuhan ang operasyon sa halalan.

Sina Jimenez at Arabe ay nagtatrabaho sa ilalim ng Education and Information Department ng poll body.

Ani Bulay, ang bagong task force ay nakahanap ng sapat na dahilan upang simulan ang isang pormal na fact-finding at administrative disciplinary investigation” sa isyu matapos itong magsagawa ng talakayan sa mga preliminary findings nito noong Huwebes, Abril 28.

“Yesterday, 28 April 2022, after a discussion on their preliminary findings, the task force found reasonable cause to commence a formal fact-finding and administrative disciplinary investigation, and to include the Director of the Personnel Department in the Task Force, considering that COMELEC personnel are involved, and to ensure the observance of due process, and a thorough, proper, fair and impartial probe,” pahayag sa opisina ni Bulay.

Sa ngayon ayaw magsalita ni Commisioner Bulay sa media patungkol sa isyu upang maiwasang magkaroon ng trial by publicity.

Ang nalalapit na pagsisiyasat ay nag-ugat sa pagpapaliban ng huling bahagi ng serye ng COMELEC presidential at vice-presidential debate dahil sa mga isyu sa pagbabayad sa venue ng event.

Follow SMNI News on Twitter