GAGAWIN ng kampo ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves ang lahat ng legal na paraan para ma-delist sa terrorist list.
Ito’y matapos i-designate ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Teves kasama ang kapatid nitong si suspended Negros Oriental Third District Rep. Arnie Teves bilang mga terorista.
Kaugnay ito sa nangyaring pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 2023.
Sa pahayag na inilabas ni Atty. Raymund Fortun, legal counsel ng dating gobernador, biktima rin ng isang terrorist act noong 2005 si Henry Teves kaya hindi ito gagawa ng mga bagay na posibleng ikapahamak nito.
Nakasaad sa ATC Resolution Number 43, idineklarang terorista si Rep. Arnie Teves bilang lider at mastermind sa pagpaslang kay Degamo.
Kasama rin na idineklarang terorista ang umano’y armadong grupo ni Teves na umatake at kabilang na rin sina Pryde Henry Teves at Nigel Electona na natuklasang nagbibigay ng material support sa mga terorista.