Kampo ni FPRRD pormal na nagsumite ng depensa sa ICC

Kampo ni FPRRD pormal na nagsumite ng depensa sa ICC

ISANG legal argument ang inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa dokumentong may petsang Mayo 1, 2025—iginiit ni Atty. Nicholas Kaufman, legal counsel ni dating Pangulong Duterte, na wala nang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas dahil tuluyan nang kumalas ang bansa sa Rome Statute noong taong 2019.

Sa ilalim ng Article 19 ng Rome Statute, maaaring kuwestiyunin ang hurisdiksiyon ng ICC sa isang kaso kung ang akusado ay hindi sakop ng mga umiiral na kondisyon ng kasunduan.

Sa isang panayam sa ICC, naunang sinabi ni Atty. Kaufman na ihahain nila ng mosyon sa lalong madaling panahon.

“In the coming days, perhaps even today, perhaps tomorrow or in the beginning of next week but no more than 1 week we can file our jurisdictional challenge,” saad ni Atty. Nicholas Kaufman, Lead Counsel ni FPRRD.

Binibigyang-diin ng kampo ni Duterte na mahalaga ang pagiging kasapi ng isang bansa sa Rome Statute sa mismong panahon ng imbestigasyon o paglilitis.

Kung wala ito, ayon kay Kaufman, ay walang sapat na batayan ang ICC para ituloy ang kaso.

Sa ‘jurisdiction stricto sensu’ o striktong interpretasyon ng hurisdiksiyon, may tatlong elementong tinitingnan: krimen, panahon, at indibidwal na sangkot.

Iginiit ng kampo ng dating pangulo na hindi dapat basehan ang nationality o teritoryo kung wala nang membership sa Rome Statute.

Dahil dito, iginiit ng depensa na walang legal na kapangyarihan ang ICC sa kasong ito.

Sa panig naman ng Senado, welcome development sa kampo ni Duterte ang mga resulta ng pagdinig ng komite ni Sen. Imee Marcos.

Ani Atty. Kaufman, posible na gawin nila itong basehan sa mga argumentong isusumite sa ICC.

“Mentions have been made of the arrest, mentions have been made even on the jurisdictional arguments. They are very compelling and they support our arguments as well,” dagdag ni Kaufman.

Patuloy naman ang pagpapadala ng liham ng mga taga-suporta ni dating Pangulong Duterte sa kaniya mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon sa kaniyang abogado, mahalaga ito sa kanilang moral at legal campaign.

Ipinunto ni Atty. Kaufman na in ‘high spirits’ si dating Pangulong Duterte at nananawagan ito sa publiko na igalang ang judicial process ng ICC—isang mahabang legal battle na kanilang hinaharap.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble