Kantahan kasama ang Rizal PNP, magpapalakas ng suporta sa mamamayan vs kriminalidad, droga

Kantahan kasama ang Rizal PNP, magpapalakas ng suporta sa mamamayan vs kriminalidad, droga

INILUNSAD ng kapulisan ng lalawigan ng Rizal ang isang Project Music Diplomacy na layong bumuo ng matibay na ugnayan sa mga mamamayang Rizaleño laban sa kriminalidad at droga.

Naniniwala ang Rizal Police Provincial na ang musika ay isang pangkalahatang wika na pinagkakaisa at pinagsasama-sama ang bawat tao at komunidad.

Nobyembre 10, Biyernes ng gabi sa Antipolo City, inilunsad ng Rizal PNP ang isang Project Music Diplomacy o ang “Kantahan Kasama ang Kapulisan laban sa Kriminalidad at Droga.”

Ito’y inisyatiba ng Police Provincial Office (PPO) sa pangunguna ni PCol. Felipe Maraggun sa pamamagitan ng mga talentadong kapulisan ng Rizal (Rizal PNP Band).

Layon ng proyektong ito na mapalapit ang mga kapulisan sa mga mamamayan at mapaigting ang kanilang suporta at samahan na may pagkakaisang labanan ang droga at kriminalidad.

“Layunin ng ating kapulisan dito sa Rizal na paigtingin ang pakikipagtulungan ng bawat isa sa kampanya natin laban sa kriminalidad, at mailayo ang ating mga kababayan sa masasamang gawain, at sa halip ay mabaling na lang ang kanilang mga oras sa pagtugtog ng mga instrument o pagkanta,” ayon kay PCol. Felipe B. Maraggun, Provincial Director, RPPO.  

Ito’y paraan upang mas mapalapit ang mga mamamayan sa kapulisan lalo pa at sunod-sunod ang hulihan sa nagpapatuloy na operasyon ng Rizal PNP laban sa droga, krimen, at sugal.

Kamakailan lang, sa kanilang 1-day accomplisment nitong Nobyembre 6, sa apat na operasyon ng kapulisan ng Rizal kontra ilegal na sugal, nagresulta ito sa pagkaka-aresto ng 13 indibidwal at pagkaka-kumpiska ng mahigit 1,000 bet money.

Habang sa isa pang-apat na operasyon kontra illegal na droga ay pito ang naaresto.

Habang sa kanilang overnight accomplishments nitong Nobyembre 8 ay 14 na indibidwal ang naaresto sa isang araw na operasyon laban sa mga taong pinaghahanap ng batas.

Pinakabagong naiulat ay ang pagkakahuli sa most wanted person sa CALABARZON na nasukol sa Cainta Rizal.

Kaugnay nito, patuloy ang paghimok ng PPO sa mamamayan ng Rizal na makipagtulungan sa kapulisan at makiisa sa pagsugpo ng krimen sa lalawigan.

“Paigtingin natin, palakasin pa natin ang ating kampanya laban sa krimen. Makiisa tayo, nakikiusap po kami sa inyo mga kababayan namin dito sa Rizal, tulungan ninyo ang inyong kapulisan,” ayon kay PCol. Felipe B. Maraggun, Provincial Director, RPPO.

Ang Kantahan Kasama ang Kapulisan ay tuwing Biyernes sa Christmas Bazaar Capitol Compound, Antipolo City.

At dahil nalalapit na nga ang Kapaskuhan,

“Ituring niyo na lang itong regalo, isang regalo o Christmas gift ng inyong kapulisan dito sa Rizal Police Provincial Office,” dagdag ni Maraggun.

Samantala, nanawagan ang mga kapulisan na dumulog lamang sa hotline numbers ng kanilang tanggapan kung sakaling may sumbong para sa pagpapanatili at pagpapaigting ng peace and order ng lalawigan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble