HINDI nabawasan ang kapangyarihan ni PGen. Benjamin Acorda, Jr. bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng pinalawig na ‘tour of duty’ nito.
Si Acorda na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991 ay nagretiro sana nitong weekend, ngunit pinalawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang termino hanggang Marso 31, 2024.
Sinabi ni PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo na mananatili ang ibinigay na kapangyarihan at awtoridad kay Acorda upang magampanan ang kaniyang tungkulin na pamunuan ang PNP.
Ayon kay Fajardo, nakasaad sa anunsiyo ng Malacañang na ang hindi matatawarang pagseserbisyo ni Acorda sa PNP kaya’t pinalawig ni Pangulong Marcos ang kaniyang termino.
Sa ilalim ng liderato ni Acorda, matagumpay na nailatag ng PNP ang seguridad para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), FIBA Basketball World Cup, Asia Pacific Legislative Forum, at iba pang major events sa Pilipinas.
Gayundin ang pagbaba ng crime statistics sa bansa at ang 80 porsiyentong tiwala na natanggap ng PNP mula sa publiko.