NAKIISA si Vice President Inday Sara Duterte sa awarding ceremony ng ika-16 Belenismo sa Tarlac kung saan idiniin nito sa kaniyang mensahe ang kahalagahan ng kapayapaan at edukasyon ng kabataan.
Isa ito sa mga hinihintay at inaabangan ng mga Tarlaqueño at maging ng mga turista sa lalawigan ng Tarlac kaya naman malaki ang pasasalamat ng mga kalahok dahil nabibigyan ng kulay ang kanilang Kapaskuhan taon-taon.
Pero bago nakilahok ang bise presidente sa awarding ceremony ay kaniya munang kinuwentuhan ang mga bata sa kuwento ng candy cane at namahagi ng mga food pack.
Sa kaniyang mensahe, nagpasalamat ito sa suporta na ibinigay sa kaniya at sa buong UniTeam ng mga Tarlaqueño noong nakaraang halalan.
Kaya naman kaniyang binigyang-diin na huwag suportahan ang mga kriminal gaya ng mga terorista, New People’s Army (NPA), smugglers, drug peddlers, scammers, swindlers, at iba pang makasisira sa kapayapaan ng bansa.
“Dapat po nasa likod tayo lagi ng pamahalaan, ng ating Philippine National Police, ng ating Armed Forces of the Philippines at iba pang mga opisina ng pamahalaan kasama po ng Department of Education (DepEd),” ayon kay VP Sara Duterte.
Bukod pa rito ay kaniya ring iginiit ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataan at humingi ng tulong sa mga mamamayan na ipaintindi sa mga bata ang kahalagahan ng edukasyon sa kanilang kinabukasan.
Ito rin ay sinang-ayunan ni Isa Cojuangco Suntay, co-founder ng Tarlac Heritage Foundation lalo na’t malaki ang parte ng edukasyon sa mga bata na siyang magdadala sa kinabukasan ng bansa.
“Madalas ko pong naririnig kay VP Sara, bilang Kalihim ng Edukasyon na importante ang nakikita ng kabataan na tama. So, kapag nakikita nila ang ating mga local dances, at mga kanta na kinakanta ng mga Pilipino, nagkakaroon tayo ng national pride at identity. So, sariling atin na kanta at mga sayaw, proud to be Pilipino dapat ang kabataan,” ayon kay Isa Cojuangco Suntay, Co-Founder, Tarlac Heritage Foundation.
Kabilang sa mga nanalo sa patimpalak ay ang munisipalidad ng Anao sa Grand Municipal Category at malaki ang pasasalamat nito sa nasabing patimpalak lalo na’t ikatlong taon na nila itong panalo.
“Pinakamagandang Pamasko po sa amin ito at tuluy-tuloy po ‘yung spirit of Christmas na lighting namin everytime po para sa mga tourist,” Gian Pierre O. de Dios, Mayor of Anao, Tarlac.
Bukod pa rito ay nanalo rin ang AFP Belen sa Grand Non-Municipal Category habang tie naman ang Armor Belen at CYG2 Belen sa Monumental Category sa Rank 1.
Ang hiling naman ng bise presidente sa mga Pilipino,
“Sana po ngayong Pasko makasama ninyo ang inyong mga mahal sa buhay at ang inyong mga pamilya at kayo po ay magkaroon ng peace, love, hope, joy, sa inyong mga puso.”