SINAMPAHAN na ng kasong syndicated estafa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may-ari ng motorbanca na Princess Aya at ang kapitan nito na tumaob sa Laguna Lake kamakailan.
Kasama rin sa kinasuhan ng PCG ang mga opisyal at miyembro ng Talim Island Motorboat and Patrons Association (TIPMOPA).
Matatandaan na tumaob ang M/B Aya Express ng 50 yarda ang layo mula sa Brgy. Kalinawan sa Binangonan, Rizal noong Hulyo 27 na ikinasawi ng 27 katao habang 43 naman ang nakaligtas.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nasa 42 lang ang kapasidad ng motorbanca pero nasa 70 katao ang sakay nito nang tumaob.
Habang ang nakasulat naman sa manipesto ng motorbanca ay 22 pasahero lamang.