Kapitolyo ng Cebu, nagpailaw ng Christmas Tree sa araw ng unang anibersaryo ng Bagyong Odette

Kapitolyo ng Cebu, nagpailaw ng Christmas Tree sa araw ng unang anibersaryo ng Bagyong Odette

Pinangunahan ni Cebu Gov. Gwen Garcia ang Christmas Tree lighting activity kahapon, Dec.16, kasabay ng paggunita sa unang taon nang manalasa ang Bayong Odette sa Kabisayaan noong 2021.

Mensahe ni Gov. Garcia sa mga Cebuano na kung may pag-asa ay may pagkakaisa at kung may pagkakaisa ay may pag-asa.

Imbitado ng gobernadora ang lahat ng mga municipal at city mayor upang sabay-sabay na ipagdiwang ang matagumpay na pagbangon ng Cebu matapos na mag iwan ng malaking epekto ang pagtama ng bagyo sa probinsya.

Ayaw mang sariwain ang mapait na sinapit noong nagdaang taon, hindi maiwasan ng mga Cebuano ang mag balik-tanaw sa kanilang karanasan sa kalamidad.

Mismong ang SMNI Team sa Cebu ay naranasan ang hirap ng paghahatid ng balita at kaganapan dahil halos walang masagap na signal mula sa mga telecommunication company, walang WiFi connection, walang ilaw at tubig, hirap makapagcharge at higit sa lahat, kapos sa maiinum na tubig.

Maaalala rin na bukod sa marami sa mga Cebuano ang dumanas ng madilim na Pasko, ay kumitil din ang Bagyong Odette ng aabot sa 90 na buhay at sumira ng bilyong halaga sa imprastraktura at agrikultura.

Bagamat isang taon na ang lumipas, hindi rin mabubura sa alaala ng mga Cebuano ang bumuhos na malasakit ng mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang tulong mula sa iba’t ibang LGU, kumpanya, private individuals at maging ang SMNI Foundation na hindi pinalagpas ang pagkakataon upang magbahagi ng balde-baldeng relief goods sa mga kababayan Cebuano na lubhang nasalanta ni Bagyong Odette.

Follow SMNI NEWS in Twitter