Karagdagang 2-M doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine, dumating na sa bansa

Karagdagang 2-M doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine, dumating na sa bansa

DUMATING na sa bansa Biyernes ng hapon ang 2,028,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 mula sa COVAX facility.

Ang mga bakuna ay dumating dakong alas 4:00 ng hapon.

Samantala, ang nasabing bakuna ay sinalubong nina COVAX vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Health Undesecretary Ma. Carolina Vidal-Taino, UNICEF Representative to the Philippines Oyunsaikhan Dendevnorov, USAID Mission Director Sean Callahan at World Health Organization Representative to the Philippines Dr. Rabindra Abeyasinghe.

Matatandaang, dumating sa bansa ang 1.1 million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na donasyon ng Japan, Huwebes ng gabi.

Sa ngayon, mayroon ng 5,708,100 doses ang kabuuang bilang ng AstraZeneca  vaccine sa bansa, 1,124,100 doses ang binigay ng Japanese government habang 4,584,000 doses ang mula sa COVAX facility.

Pilipinas, makakakuha ng mas maraming share sa COVID-19 vaccine donation ng US

Samantala, kabilang ang Pilipinas sa priority recipient ng Amerika para sa pamamahagi ng donasyon ng 55 milyong doses ng COVID-19 vaccines.

Sa pahayag ng U.S Embassy in the Philippines, kasama ang Pilipinas sa makakatanggap sa 16 milyong doses na ipadadala sa Asia sa pamamagitan ng COVAX Facility.

Isa rin ang Pilipinas sa recipients ng 14 milyong doses na direktang ipapamahagi sa mga kaibigan at kaalyado bansa at iba pang recepients.

Bukod sa Pilipinas, makakukuha rin ng bakuna ang Colombia, Argentina, Haiti, Dominican Republic, Costa Rica, Panama, Afghanistan, Bangladesh, Pakistan, Vietnam, Indonesia, South Africa, Nigeria, Kenya, Ghana, Cabo Verde, Egypt, Jordan, Iraq, Yemen, Tunisia, Oman, West Bank and Gaza, Ukraine, Kosovo, Georgia, Moldova, at Bosnia.

Ang ipamamahaging doses ay bahagi ng sobrang 80 milyong COVID-19 vaccines na ipinangako ni US President Joe Biden na ido-donate ngayong katapusan ng Hunyo.

SMNI NEWS