DUMATING na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang karagdagang 400,000 na dosis ng CoronaVac ng Sinovac vaccine mula sa China.
Ito na ang pangalawang batch ng bakuna na donasyon ng China sa bansa.
Sinaksihan ang pagdating ng Sinovac vaccine nina Health Secretary Francisco Duque III, testing czar Secretary Vince Dizon, Senator Bong Go at Chinese Ambassador Huang Xilian.
Mula naman sa NAIA Terminal 2, dadalhin ang Sinovac vaccines sa Metropack storage facility sa Marikina.
Unang dumating sa bansa ang 600,000 dosis ng CoronaVac vaccine noong Pebrero 28 isang araw bago sinimulan ang vaccination campaign ng bansa.
(BASAHIN: 600,000 dosis ng Coronavac vaccine dumating na sa bansa)
Ang CoronVac ng Sinovac Biotech Ltd., ay pangatlong brand ng COVID-19 vaccine maliban sa Pfizer-BioNTech at AstraZeneca na nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa.
Ang 1 milyong dosis naman ng CoronaVac na binili ng pamahalaan sa Sinovac Biotech Company ay nakatakdang dumating sa Marso 29.
Mula Marso 24 hanggang Marso 26 ay nakatakdang dumating ang 979,200 dosis na AstraZeneca vaccine na donasyon mula sa COVAX Facility sa pamamagitan ng World Health Organization.
Ayon kay Galvez, nasa kabuuang 2,379,200 dosis ng bakuna ang darating ngayong katapusan ng buwan.
Matatandaan na bumili rin ang bansa ng COVID-19 vaccine mula sa Novavax Inc., isang U.S. Biotech firm na nakabase sa India ng 30 milyong dosis.
(BASAHIN: 30-M dosis ng Novavax vaccine, nabili na ng bansa mula India)
Nilagdaan ang supply deal para sa 30 milyong dosis ng Novavax ni vaccine czar Carlito Galvez,Jr. sa kanyang pagbisita sa Serum Institute sa India.