INAPRUBAHAN na ng National Task Force Against COVID-19 ang hiling ng Department of Labor and Employment (DOLE) na karagdagang bakuna para sa mga manggagawa sa economically active industries.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang hakbang ay makatutulong para mapabilis ang muling pagbubukas ng ekonomiya at mapalakas ang proteksyon ng mga manggagawa sa manufacturing at construction industries sa bansa.
Sinabi ng labor chief na kabuuang 452,000 doses ang ilalaan para sa factory workers sa Region 4, 3 at 7 at construction workers sa National Capital Region (NCR).
Bagama’t alam ni Bello ang hamon sa karagdagang bakuna, iginiit nito na kinakailangan maglaan ng bahagi ng supply sa mga manggagawa na aktibong nag-aambag sa ekonomiya.
Dagdag pa ng kalihim, ang kasalukuyang 11.8 percent na paglago sa gross national product sa bansa ay binibigyan-diin ang pangangailangan na mabakunahan ang mga aktibong miyembro ng ekonomiya.