LIGTAS na nakauwi sa bansa nitong Nobyembre 3 ang karagdagang 11 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Lebanon.
Lulan ang mga ito ng Flight KU417 na lumapag sa NAIA terminal 1, Linggo ng gabi.
Agad namang sinalubong ang mga ito ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kasama ang ilang opisyal mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bilang bahagi ng agarang tulong mula sa OWWA, ang repatriates ay binigyan ng food at transportation assistance para makauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Inaalok din ang hotel accommodation kung kinakailangan at may financial assistance na handa para sa kanilang muling pagsisimula sa Pilipinas.
Noong Nobyembre 1 ay may walo ring OFWs mula Lebanon ang dumating sa bansa habang noong Oktubre 31 ay nasa 14 ang nakauwi.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang koordinasyon ng OWWA at iba pang ahensiya ng gobyerno upang masiguro ang ligtas na repatriation ng mga natitira pang OFWs sa Lebanon.
Follow SMNI News on Rumble