MAGDARAGDAG ng tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na isinailalim sa kontrol ng Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng halalan 2022.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Director Police Major General Val de Leon, nasa 15 hanggang 20 porsyento ang kanilang idaragdag depende sa pangangailangan ng isang lugar.
Nakausap din ni De Leon si PNP Special Action Force (SAF) Director Police Major General Patrick Villacorte upang ihanda ang kanilang puwersa.
Una rito, pinaghahanda rin ang halos 200 Civil Disturbance Management Unit sa bawat lungsod, probinsya at rehiyon.
Ito ay bilang bahagi ng contingency plans ng PNP sakaling kailanganin sa halalan.
Samantala, pinawi ni De Leon ang banta ng destabilisasyon habang papalapit ang May 9.