NAGDUDULOT ng takot sa mga magulang at paaralan ang mga insidente kamakailan sa Estados Unidos sa karahasan at kapabayaan sa baril lalo pa’t ito ang pangunahing dahilan ng mga menor de edad sa Amerika.
Mahigit anim na libong bata sa Amerika ang napatay o nasugatan dahil sa baril noong nakaraang taon.
At sa pagpasok ng bagong taon, iba’t ibang insidente sa bansa ang nagpatunay sa mga malagim na katotohanang ito.
Halimbawa nito ang isang kuha ng security video, aakalain mo na ang paslit ay masayang dala-dala lang ang tila laruan sa kanyang mga kamay. Ngunit ang dala ng musmos na bata – isang tunay na baril. Kaya naman, ang kapitbahay na nakapanood ng kuha na ito gamit ang kanila ring footage camera, tumawag kaagad sa 911 upang ipabatid ito sa otoridad.
Nang binisita ng mga pulis ang bahay, sinabi pa ng ama na nagngangalang Shane Osborne ng Indiana, na hindi siya nagmamayari ng baril. Ngunit nang halughugin ng mga police ang bahay, natagpuan sa apartment nila ang isang 9mm na baril na may lamang 15 rounds sa magazine nito.
Hinuli si Osborne ng mga pulis at nahaharap ngayon ng mga kaso ng weapon negligence.
Noong nakaraang linggo, isang 14 na taong gulang na babae ang kinasuhan ng murder matapos niyang mabaril ang isang 11-anyos na batang lalaki sa Dallas, Texas. Dinala ang biktima sa ospital ngunit namatay rin kalaunan habang ang 14 na taong gulang na suspek ay dinala sa kustodiya at kinasuhan, at nakabinbin sa Henry Wade Juvenile Justice Center sa Texas.
Matatandaang isang nakakalumong insidente rin ang naganap sa Newport, Virginia, matapos barilin ng isang 6 na taong gulang na estudyante ang kanyang guro sa gitna ng klase gamit ang isang 9mm na baril na legal umanong nabili ng kanyang ina.
Iilan lang ito sa libu-libong insidente ng baril sa Amerika na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Sa isang pag-aaral na isinagawa, 82% ng mga pagpapatiwakal ng mga kabataan sa Amerika ay resulta ng mga baril na pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
2/3s sa mga ito ay nakatago sa kanilang mga bahay at hindi secured o naka-lock sa mga lagayan at kahit pa may lock code, alam umano ng mga bata ang kumbinasyon ng lock o kung saan nakalagay ang susi ng pinaglalagyan ng armas.
Sa 11 peer countries, o tinatawag na first-world na mga bansa, ang gun violence bilang sanhi ng pagkamatay ng mga bata ay hindi makikita sa top 5 cause of death ng mga bansang ito.
Maliban sa Canada, kung saan ang karahasan sa baril ay pang-5 at tinatayang sa impluwensya ng Estados Unidos na kapitbahay lang nito.
Ayon sa National Center for Education Statistics, ang mga school shootings sa Estados Unidos ay umakyat sa pinakamataas na bilang sa loob ng 2 dekada noong 2020 hanggang ngayon.