Karahasan sa loob ng PMA, ‘di pa tiyak kung kailan mahihinto

Karahasan sa loob ng PMA, ‘di pa tiyak kung kailan mahihinto

IGINAGALANG ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang guilty verdict ng korte laban sa tatlong akusado sa Darwin Dormitorio Case.

Sa hatol ng Baguio Regional Trial Court, napatunayang may sala ang mga PMA Cadet na sina si Shalimar Imperial Jr. at Felix Lumbag Jr. dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.

Guilty din sila para sa kasong murder.

Habang si Julius Carlo Tadena ay hinatulan ding guilty dahil sa paglabag sa Anti-Hazing Act.

Si Darwin Dormitorio ay taga-Cagayan de Oro. Namatay ito sa loob ng PMA Hospital noong Setyembre 2019.

Batay sa autopsy results, namatay si Dormitorio dahil sa blunt force trauma.

Sa imbestigasyon, biktima si Dormitorio ng hazing at iba pang pang-aabuso sa loob ng PMA.

Ayon kay AFP Spokesperson Francel Margareth Padilla, may mga ginagawa na silang reporma para hindi na masundan pa ang nangyari kay Dormitorio.

Pero aniya, wala silang maibibigay na katiyakan na matitigil na ang pang-aabuso sa mga kadete.

‘‘I cannot assure anyone of anything but one is for sure the AFP will do everything po to really change the way our institution handle our trainees,’’ pahayag ni Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Ang kapatid ni Darwin na si Dexter Dormitorio hiling na ang polisiya at pagdidisplina ay umabot sa matataas na opisyal ng PMA, AFP para matigil ang pang-aabuso sa institusyon.

Dagdag pa nito, na kung may report na ng pang aabuso sa loob ng PMA, ay dapat ang mismong institution na ang mag-file ng kaso.

‘‘Hazing is tantamount to cheating and lying, whatever  na ginagawa nila, it is within the honor code, violation na lahat ng ‘yon so why they continue doing it?’’

‘‘If they see na may uncommit, sila na ang mag-file ng case, tulungan nila ang pamilya kasi ang mga cadet ay powerless sila. Wala silang communications doon sa pamilya. Walang support galing sa labas,’’ ayon sa kapatid ni Darwin Dormitorio.

Ayon pa kay Dexter, halos gusto na nilang sumuko sa kaso dahil na rin sa pressure na naranasan ng pamilya para sa paghahangad ng hustisya para kay Darwin.

‘‘Medyo nabunutan kami ng tinik, sa totoo lang ‘yong battle namin sa cases is all odds. May pressure not to continue the case. We are receiving calls every now and then, bakit kayo nagpapa-interview, bakit sinasabi niyo ang experiences ni Darwin sa media. Galing ‘yon sa influence ng alumni na ‘yon nga ayaw isawalat ang mga illegal practices,’’ dagdag pa ng kapatid ni Dormitorio.

Ayon sa Crusade Against Violence, naniniwala sila na lantaran ang pang-aabuso sa loob ng PMA pero hindi lahat ay nare-report.

Naniniwala naman si dating senador na si Joey Lina, na kung hindi pa namatay si Darwin Dormitorio ay hindi pa ito malalaman ng publiko.

‘‘Marami talaga, and if you have copy of the decisions what’s going inside the academy, ‘yong mga supposed to be hindi dapat nating nalalaman, it was there na nasabi ng mga witnesses, detailed explanation,’’ ayon kay Gerarda Villa, Founding President, Crusade Against Violence (CAV).

‘‘Si Darwin talagang naabutan ng kamatayan pero kung nag-survive si Darwin baka hindi ito na-publicized, hindi nagkaroon ng kaso. That’s the danger nga ng hazing e, kung mayroon lang namamatay, doon lang nabubulatlat,’’ ayon naman kay Former Senator Joey Lina.

‘‘We are hoping with the hope of everyone, ‘yong check and balances na sana matigil ang karahasan sa loob ng institusyon,’’ dagdag pa ni Villa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble