KARAMIHAN sa mga Pilipino ay naniniwala na ang presensya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay nakakapinsala sa bansa, ani Senator Win Gatchalian.
Ito ay base sa survey na isinagawa ng Pulse Asia mula Nobyembre 27-Disyembre 1, 2022.
Nang tanungin ang kanilang opinyon kung ang mga POGO ay kapaki-pakinabang o nakakapinsala sa bansa, 58% ng mga respondent ang nagsabing sa tingin nila ay nakakasama ang operasyon ng mga POGO sa bansa.
Ayon sa survey, 61% ng mga respondent mula sa National Capital Region, 55% sa Luzon, 53% sa Visayas, at 67% sa Mindanao ang naniniwalang nakakasama ang POGO operations sa bansa.
Kung pagbabasehan ang social class, gayundin ang pakiramdam ng 70% ng mga respondent sa ABC class, 58% sa D class, at 44% sa E class.
Binanggit nila ang mga dahilan kung bakit sila naniniwalang ang industriya ng POGO ay nakakapinsala sa bansa: paglaganap ng mga bisyo, na binanggit ng kabuoang 67% bilang pangunahing dahilan; pagtaas ng insidente ng krimen na may kaugnayan sa POGO na kinasasangkutan ng mga Chinese national na may 57%; tax evasion ng POGOs, 43%; pagtaas ng bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO, na may 43% din; walang karagdagang oportunidad na ibinigay sa mga Pilipino, na may 33%; at pagtaas ng halaga ng upa, tirahan, o mga ari-arian ng negosyo na may 22%.
“Ang resulta ng survey ay isang mahalagang bahagi ng data na aming isinasaalang-alang dahil ang data ay kumakatawan sa mga sentimyento ng ating mga kababayan at nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa isyung ito,” sabi ni Gatchalian.
Kasalukuyang binubuo na ng Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan ni Gatchalian, ang isang committee report hinggil sa resulta ng naging mga pagdinig ng komite sa mga benepisyong pang-ekonomiya o kawalan nito at mga social cost ng pagpayag sa operasyon ng mga POGO sa bansa.
Samantala, 19% lamang ng mga respondents ang nagsabing ang mga POGO ay kapaki-pakinabang.
Kapansin-pansin na 12% lamang ng mga respondent sa NCR, kung saan malaki ang bilang ng mga POGO, ang nagsabing ang industriya ay kapaki-pakinabang sa bansa, habang 20% ng mga respondent sa Luzon, 26% sa Visayas, at 17% sa Mindanao ay nagpahayag ng parehong pananaw.
Base naman sa social class, sa 19% ng kabuoang respondent na nagsabing ang mga POGO ay kapaki-pakinabang, 10% sa kanila ay mula sa ABC class, 20% sa D class, at 27% sa E class.