Kasamaan ng CPP-NPA-NDF, harap-harapan –anti-communist group

Kasamaan ng CPP-NPA-NDF, harap-harapan –anti-communist group

HARAP harapan na kung isinalarawan ni League of Parents of the Philippines President Remy Rosadio ang hayagang kasamaan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa bansa.

Patuloy ang pagkadismaya ng grupo ng mga magulang sa bansa dahil sa lantaran nang pagpapakita ng kasamaan ng New People’s Army (NPA) lalo na sa loob mismo ng pamahalaan.

“Bakit ganoon ang nangyari na harap-harapan na ang kasamaan ng CPP-NPA-NDF na matagal na iyan na kino-consider na mga terorista,” pahayag ni Remy Rosadio, president ng Liga ng mga Magulang.

“Harap harapan na!”

Sa katunayan, hindi katanggap-tanggap para sa League of Parents of the Philippines ang mga tahasang pagbasura kamakailan ng petisyong nagdideklarang terorista ang CPP-NPA-NDF.

Ang hindi aniya maintindihan ng grupo ay kung bakit hirap ang marami na kilalaning terorista ang CPP-NPA-NDF gayong marami nang bansa sa buong mundo ang nagdeklara sa kilusan na ito na mga masasama at kawal ng terorismo.

Umaasa ang grupo na hindi hihinto ang maraming Pilipino sa pagkamulat upang itakwil ang New People’s Army at iwasan ang mga panloloko na ginagawa ng mga ito sa bansa.

Dahil dito, puspusan na ang pag-uusap ngayon ng mga miyembro ng Liga ng mga Magulang sa bansa kaugnay sa mga hakbang nila laban sa New People’s Army.

Ayon sa grupo, ikinababahala nila ang pagiging bulgar ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na pumapabor ngayon sa CPP-NPA-NDF.

Ayon pa kay Rosadio, posibleng maging talamak ang recruitment ng mga miyembro ng New People’s Army sa mga kabataan ngayon sa pamamagitan ng mga front organizations nito.

“Kaya kaming mga magulang ay nag uusap-usap kung ano ang dapat nating gawin dahil nakakabahala na nawala na ang pagkaterorista ng CPP-NPA-NDF dahil sa pagbasura ni Judge Marlo (Magdoza-Malagar). Kaya sigurado ay dadami na naman ang ating kabataan na mabiktima,” ayon kay Rosadio.

Nakahanda rin ang grupo na magsagawa ng mga pagtitipon sa kalsada para lang ipaalam at himukin at imulat ang mga kababayan na buwagin na at itakwil ang CPP-NPA-NDF sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter