Kaso ng 15 Pinoy seaman na nakakulong sa France, patuloy na tinututukan –OWWA

Kaso ng 15 Pinoy seaman na nakakulong sa France, patuloy na tinututukan –OWWA

TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inaasikaso na ng pamahalaan ang mga kaso ng 15 Filipino seafarer na kasalukuyang nakakulong sa France simula pa noong nakaraang taon.

Ayon kay OWWA Administrator Atty Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan  na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa DFA at sa Philippine Embassy kaugnay sa kalagayan ng mga kababayan na kasalukuyang nakakulong.

Ani pa ni Cacdac nabigyan na rin ang mga naturang Pinoy ng abogado na tututok sa kanilang mga kaso.

“Nakapag coordinate na po tayo sa DFA at sa embahada natin na nagbigay na ng abogado sa mga kaso nila,” pahayag ni Cacdac.

Matatandaan nitong Oktubre 2021 nakulong sa France ang 15 Pinoy seaman matapos na matagpuan ang mahigit isang toneladang cocaine sa kanilang barko.

Hinarang ng mga awtoridad ng France ang Liberian registered bulker, MV Trudy na malapit sa French port of Dunkirk.

Kung saan higit isang toneladang cocaine ang narecover mula sa naturang barko.

Ilan na rin sa mga partylist lawmaker ang hiwalay na sumulat kina Labor Secretary Silvestre Bello III at Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr na humingi ng tulong alang-alang sa mga pamilya ng mga nakakulong na seafarer.

Samantala, patuloy pa rin na nakatutok ngayon ang embahada ng Pilipinas sa Russia sa mga Pinoy sa Kazakhstan kasunod ng nagpapatuloy na kaguluhan sa nasabing bansa.

Ayon sa embahada nasa 1,500 ang nagtatrabahong Pinoy sa Kazakhstan kung saan karamihan sa kanila ay mga guro, construction workers, at household service workers.

Magugunitang nag-umpisa ang protesta dahil sa reklamo ng mga tao sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo hanggang sa lumobo ang kanilang galit sa gobyerno dahil sa corruption, antas ng pamumuhay, kahirapan at unemployment.

Una rin naglabas ng abiso ang Philippine Embassy para sa mga  Filipino community sa Kazakhstan kung saan pinag-iingat ang mga kababayan doon.

Ayon sa embahada, napasailim na sa isang national emergency hanggang Enero 19, 2022 ang buong bansa ng Kazakhstan.

Hinihikayat din ng naturang embahada ang mga Pilipino na manatiling kalmado, maingat at mapagmatyag.

Pinapayuhan din ang mga kababayan na wag makilahok o makiaalam sa mga nangyayari at panatilihin ang neutralidad.

Nakikiusap din ang embahasa sa Filipino community sa naturang bansa na pagtibayin ang pagkakaisa at pagtutulungan sa mga panahong ito.

SMNI NEWS