Kaso ng coronavirus disease 2019 sa bansa, umakyat na sa 24

UMAKYAT pa sa 24 na katao ang apektado sa kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa Malakanyang kagabi.

Kabilang sa may bagong kaso ng COVID-19 ay ang West Crame, San Juan City, Sta. Maria Bulacan at Quezon City.

Labindalawang sa mga bagong kaso ay pawang mga Pinoy, isa ang American at isang Taiwanese national.

Umaasa naman ang pangulo na gagaling ang dalawampu’t apat na apektado ng sakit.

Lockdown sa Metro Manila, hindi aprubado ni Duterte

Hindi naman aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila dahil sa pagkalat ng kaso ng coronavirus disease 2019(COVID-19).

Ayon sa pangulo, hindi pa ganun kalala ang contamination ng virus sa Kamaynilaan para mag-lockdown.

Sinabi rin ni Duterte na maapektuhan ang pag-transport sa mga basic commodities.

Umaasa din ang pangulo na hindi aabot sa lockdown ang Metro Manila dahil sa kaso ng coronavirus.

Nauna namang iminungkahi ni Albay Representative Joey Salcedo ang lockdown sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagdami ng tinatamaan ng COVID-19.

Samantala, una namang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Presidential Proclamation para sa “State of Public Health Emergency” kaugnay pa rin sa banta ng COVID-19.

Lockdown sa Metro Manila, premature pa ayon sa DOH

Masyado pa umanong maaga para magdeklara ng lockdown sa Metro Manila dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na inoobserbahan pa nila ang sitwasyon at hinihintay kung magkakaroon ng sustained community transmission ng COVID-19.

Ayon kay Duque, ito ang maaaring mag-trigger ng community lockdown o community quarantine.

Aniya, nasa opsyon din ng pamahalaan kung magpapatupad ng sistematikong pagsususpinde ng klase sa mga eskwelahan maging ang suspensyon ng trabaho sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Una nang inirekominda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Sarte Salceda sa pamahalaan na magpatupad ng lockdown sa National Capital Region (NCR) matapos makumpirma ang local transmission ng COVID-19 sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published.