Kaso ng COVID-19 sa Southern Philippines Medical Center, patuloy na tumataas

Kaso ng COVID-19 sa Southern Philippines Medical Center, patuloy na tumataas

PATULOY ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) kaya naman inabisuhan na ng Davao City Health Office ang mga pribadong ospital na maghanda ukol rito.

Base sa datos na inilabas ng SPMC nitong Mayo 18, nasa 97.14% ng intensive care unit ang okupado habang 70.45% naman ng ward beds ang okupado.

Ayon sa utilization rate ng SPMC at Department of Health (DOH) ang occupancy level na nasa pagitan ng 71 to 100% ay kinokonsiderang nasa danger level.

Habang ang occupancy rate level na nasa pagitan ng 31 to 70 percent ay kinokonsiderang nasa warning zone at nasa ilalim ng safe zone ang 1 to 30 percent.

Nilinaw naman ni CHO Acting Head Dr. Ashley Lopez na sa ngayon ay hindi pa nakararanas ng overspill ang SPMC.

Pero bilang paghahanda, nagpadala na sila ng memorandum sa mga pribadong ospital sa lungsod upang simulan na ang paghahanda ng mga ito ng mga higaan at pasilidad para sa posibleng COVID-19 patients.

Ito ay matapos na magpadala ng warning ang One Hospital Command Center na bumababa ang bilang ng mga ICU beds para sa mga COVID patients.

Aniya, kinakailangang maglaan pa ng mga karagdagang hakbang upang  makontrol ang paglobo ng bilang ng kaso at upang maisaayos ang critical care facilities ng Davao City.

Naalarma ang opisyal nang makapagtala ang lungsod ng 96 na kaso nitong weekend ngunit sinabi nito na ang pagtaas ng kaso ay dahil na rin sa pinaigting na community surveillance testing ng lungsod kung saan 1,000 ang sumailalim sa test kada araw.

Matatandaan din na kamakailan ay nag-anunsyo o nagbigay babala si Mayor Sara Duterte sa mga Dabawenyo na maghanda dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Davao City.

(BASAHIN: Pagbawas ng P2-B sa pondo ng mga pampublikong ospital, kinuwestyon)

SMNI NEWS