MATAPOS ang magkakasunod na bagyo, maaaring mas marami ang mga nakatenggang lugar na may tubig. Dito namumugad ang mga lamok na nagdadala ng Dengue virus.
Ayon kay Department of Health (DOH) Dr. Teodoro “Ted” Herbosa, mayroon silang naitalang mahigit 80 percent na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa.
Sa pinakahuling ulat ng DOH, nasa 340,860 na kaso ng dengue ang naitala sa simula ng 2024 hanggang Nobyembre 16 ngayong taon. Ito ay mas mataas ng 81% kumpara sa 188,574 na kaso na naiulat sa parehong panahon noong 2023.
Kabilang naman sa natukoy ng DOH na hot spot ang Dasmariñas, Cavite kung saan nagdeklara na sila ng state of calamity.
‘’Nag-declare na po sila ng state of calamity, dahil bawat barangay doon mga 52, 60, 70 cases of dengue ang natatala nila,’’ ayon kay Sec. Ted Herbosa.
Bukod sa Dasmarinas, kasama rin sa tinututukan ng DOH ang lungsod ng Quezon dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue.
Inilahad pa niyang umandar na ang mga local government unit (LGU) at DOH upang linisin ang mga pinamumugaran ng lamok na naging sanhi ng sakit na dengue.
‘’Ang ginagawa namin, kasama ang lokal na pamahalaan, nagdi-distribute kami ng larvicide at saka insecticide para kung may mga bodies of water kanal na tinutubuan ng lamok, pinapatay ito with Infection vector control ang tawag namin doon,’’ saad ni Herbosa.
Pinayuhan naman ng kalihim ang publiko na agad magpatingin sa doktor kung nakakaramdam na ng sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, kawalan ng ganang kumain, at iba pa.
‘’Mayroon na tayong pang-test iyong tinatawag na NS1 parang rocket antigen test ito na nagamit natin noong COVID, ngayon nagagamit natin ito sa dengue at nalalaman agad kung dengue nga o hindi ang sakit ng bata,’’ ani Herbosa.
‘’So, mas maganda madala ng mas maaga para ma-hydrate at mabantayan iyong kanilang platelet count at hindi umabot sa tinatawag na dengue shock syndrome na kinamamatay,’’ saad nito.
Samantala, iniulat ni Herbosa na hindi bababa sa limang kabataang indibidwal ang namatay na dahil sa sakit na dala ng lamok.
Mahigpit naman ang paalala ng DOH ukol sa mga pag-iingat para hindi magka-dengue tulad ng paggamit ng mosquito repellents, magsuot ng long sleeve kung kinakailangan, at laging maglinis ng paligid.