NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng mahigit anim na libo’t dalawang daang kaso ng dengue mula Mayo a-onse hanggang Mayo a-bente kuwatro ngayong taon. Mas mataas ito kumpara sa halos anim na libo’t dalawang daang kaso mula Abril 27 hanggang Mayo 10.
Kaya naman dahil dito, inilunsad ng kagawaran ang kampanyang “Alas-Kwatro Kontra Mosquito” sa mga paaralan.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, mahalaga na hindi matigil ang kampanya para sa dengue prevention para mapigilan ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng sakit, lalo na sa mga paaralan.
Dagdag nito, kailangang gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip mula sa mga bahay, hanggang sa mga barangay, at pati sa mga eskuwelahan dahil ang lamok ay lumilipat ng tirahan.
“Kailangang magtuloy-tuloy ang nasimulan natin sa dengue prevention. Kailangang gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip mula sa mga bahay hanggang sa mga barangay at pati sa mga eskwelahan dahil ang lamok ay lumilipat ng tirahan. Madalas nakikita natin ang pagtaas sa kaso ng dengue kapag maulan. We have to prevent this by intensifying vector control,” ayon kay Sec. Teodoro Herbosa.
Madalas nakikita ang pagtaas ng kaso ng dengue kapag panahon ng pag-ulan dahil sa mga naiipong tubig na nagiging pamugaran ng lamok.
Pinaalalahanan din ng DOH ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na makiisa sa pagpapatupad ng mga hakbang kontra dengue sa kani-kanilang mga nasasakupan.