Kaso ng Omicron variant sa bansa, 4 na

APAT na lahat ang kasalukuyang bilang ng mga na-detect na Omicron cases sa Pilipinas matapos magpositibo ang isang international traveler.

Ang pang-apat na kaso ay isang 38-year-old na babaeng Returning Overseas Filipino (ROF). Mula siya sa bansang Estados Unidos at dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong December 10 sakay ng Philippine Airlines PR 127.

Na-quarantine kaagad ang naturang ROF paglapag sa bansa alinsunod sa quarantine protocols ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Sa pangatlong araw, nakaramdam ang pasyente ng pangangati sa lalamunan at sipon. Sinuri siya noong December 14 at lumabas na positibo sa COVID-19 kinabukasan. Agad namang siyang inilipat sa isang isolation facility ng pamahalaan.

Na-discharge ito noong December 24 matapos ang sampung araw na isolation at hindi na nakitaan ng anumang sintomas, ani Vergeire. Naka-home quarantine ang pasyente sa kasalukuyan at nananatiling asymptomatic. Naka-schedule naman siya para i-swab muli bukas, December 28.

Saad ng Department of Health (DOH), nagpresenta ng negative result ang naturang ROF bago bumiyahe papunta sa Pilipinas. Ngunit nagkaroon ito ng exposure sa kanyang mga kaibigan sa US, isang araw bago umalis patungo sa bansa.

Nakikipag-ugnayan na ngayon ang health department sa Bureau of Quaratine at Department of Transportation para sa kumpletong flight manifesto ng PAL PR 127 para sa contact tracing.

“Rest assured na lahat naman po ng dumarating, kapag dumating po sila, for example, the US, a yellow country, they are all quarantined for five days, tested on the fifth day, once negative, they are sent home but they have to do home quarantine until the 14th day,” ani Vergeire.

Matatandaang noong December 15 unang iniulat ng DOH ang dalawang kauna-unahang na-detect na mga kaso ng Omicron variant sa Pilipinas. Natukoy naman ang pangatlong kaso noong December 20.

“The detection of Omicron cases remains to be among international arrivals. Its entry is inevitable and we want to further delay its entry to ensure that local health systems are ready,” saad ng health official.

Worldwide omicron cases115 countries na ngayon ayon kay Vergeire ang may kaso ng Omicron, 51 dito ay maaaring may confirmed o may suspected local transmission.

Base sa mga kasalukuyang ebidensya, mas mabilis makapanghawa ang Omicron kaysa sa Delta variant kahit pa sa mga bansang may matataas na na levels of immunity.

Saad naman sa ilang mga pag-aaral, nagkakaroon lamang ng mild na sakit ang mga tinatamaan ng naturang variant of concern. Ngunit babala ng mga eksperto, maaari pa rin itong maging sanhi ng labis na pagkapuno ng mga ospital.

Ang Delta variant pa rin ang nananatiling pinakadominanteng COVID-19 variant sa bansa ayon sa DOH. Umapela naman ang ahensya sa publiko na patuloy na sundin ang health protocols at magpabakuna na.

SMNI NEWS