KINUMPIRMA ni Senate Majority Floor Leader Francis “Tol” Tolentino ang paglipat ng kaso ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula Capas, Tarlac Branch 109 patungong Valenzuela RTC.
Kasabay rito, nagpasalamat si Tolentino sa naging tugon ng RTC hinggil sa paglilipat ng kasong katiwalian laban kay Guo.
Una nang sinabi ng senador na posibleng mabasura ang kaso laban kay Guo dahil sa maling hurisdiksiyon.
Alinsunod aniya sa memorandum circular ng Korte Suprema, dapat ihain ang kaso sa pinakamalapit na judicial region.
Dahil sa desisyon ng Capas, Tarlac RTC ay ipinagpaliban muna ang arraignment at pre-trial laban kay Guo.
Natanggap na ng Valenzuela RTC ang kaso laban sa sinibak na alkalde ayon sa Clerk of Court at nakatakdang mai-raffle ang kaso sa Setyembre 19, 2024.
Nag-ugat ang kaso ni Guo sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac.